Lucas 1:5-17
Lucas 1:5-17 ASD
Noong si Herodes ang hari sa Judea, may isang pari na ang pangalan ay Zacarias na kabilang sa grupo ng mga pari na tinatawag na Grupo ni Abias. Ang asawa niya ay si Elisabet na kabilang din sa angkan ni Aaron. Silang dalawa ay kapwa matuwid sa harapan ng Diyos. Maingat nilang sinusunod ang lahat ng utos at mga tuntunin ng Panginoon. Wala silang anak dahil baog si Elisabet, at matanda na silang pareho. Isang araw, naglilingkod si Zacarias sa Templo bilang pari dahil ang grupo niya ang nakatalagang manungkulan noong linggong iyon. At alinsunod sa kaugalian ng mga pari, nagpalabunutan sila, at si Zacarias ang nabunot. Kaya siya ang pumasok sa loob ng Templo ng Panginoon para magsunog ng insenso sa altar. Habang nagsusunog siya roon ng insenso, maraming tao ang nananalangin sa labas. Biglang nagpakita kay Zacarias ang isang anghel ng Panginoon. Nakatayo ang anghel sa bandang kanan ng altar na pinagsusunugan ng insenso. Nabagabag at natakot si Zacarias nang makita niya ang anghel. Ngunit sinabi sa kanya ng anghel, “Huwag kang matakot, Zacarias! Dininig ng Diyos ang panalangin mo. Magkakaanak ng isang lalaki ang asawa mong si Elisabet, at Juan ang ipapangalan mo sa kanya. Matutuwa kayo at magiging maligaya dahil sa kanya, at marami ang magagalak sa pagsilang niya, dahil magiging dakila siya sa mata ng Panginoon. Hindi siya dapat uminom ng alak o anumang inuming nakakalasing. Sa sinapupunan pa lang ng kanyang ina ay mapupuspos na siya ng Banal na Espiritu. Dahil sa kanya, maraming Israelita ang magbabalik-loob sa Panginoon na kanilang Diyos. Mauuna siya sa Panginoon para ihanda ang mga tao sa pagdating ng Panginoon. Gagawin niya ito sa tulong ng Espiritu at sa pamamagitan ng kapangyarihang katulad ng kay Elias noon. Tuturuan niya ang mga magulang na mahalin ang kanilang mga anak, at ang mga sumusuway sa Diyos na tanggapin ang karunungan ng mga matuwid.”




