Marami siyang itinuro sa kanila sa pamamagitan ng mga talinghaga o paghahalintulad. Sinabi niya, “May isang magsasakang naghasik ng binhi. Sa kanyang paghahasik, may mga binhing nahulog sa tabi ng daan. Dumating ang mga ibon at pinagtutuka ang mga binhing iyon. May mga binhi namang nahulog sa mabatong lugar, kung saan walang gaanong lupa. Mabilis na tumubo ang binhi dahil mababaw ang lupa. Ngunit natuyo rin ito nang masikatan ng araw, at namatay dahil hindi masyadong nag-ugat. May mga binhi namang nahulog sa may matitinik na damo. Lumago ang mga damo at sinikil ang mga tumubong binhi. Ang iba namaʼy nahulog sa matabang lupa, lumago at namunga. May tigtatatlumpu, tig-aanimnapu, at tig-iisang daan. Makinig ang sinumang may pandinig!”
Nang makauwi na ang mga tao, lumapit kay Hesus ang mga alagad niya at nagtanong, “Bakit po kayo gumagamit ng talinghaga sa pagtuturo sa mga tao?”
Sumagot si Hesus, “Ipinagkaloob sa inyo na maunawaan ang mga hiwaga tungkol sa kaharian ng Langit, ngunit hindi ito ipinagkaloob sa iba. Sapagkat ang taong sumusunod sa narinig niyang katotohanan ay bibigyan pa ng higit na pang-unawa. Ngunit ang taong hindi sumusunod sa katotohanan, kahit ang kaunti niyang naunawaan ay kukunin pa sa kanya. Kaya nagsasalita ako sa kanila sa pamamagitan ng talinghaga, dahil tumitingin sila ngunit hindi nakakakita, at nakikinig ngunit hindi naman nakakarinig o nakakaunawa. Sa kanila natupad ang sinabi noon ni Isaias:
‘Makinig man kayo nang makinig,
hindi kayo makakaunawa.
Tumingin man kayo nang tumingin,
hindi kayo makakakita.
Sapagkat matigas ang puso ng mga taong ito.
Tinakpan nila ang kanilang mga tainga,
at ipinikit ang kanilang mga mata,
dahil baka makakita sila at makarinig,
at maunawaan nila kung ano ang tama,
at magbalik-loob sila sa akin,
at pagalingin ko sila.’
Ngunit mapalad kayo, dahil nakakakita kayo at nakakaunawa. Sinasabi ko sa inyo ang totoo, maraming propeta at matutuwid na tao noon ang naghangad na makita at marinig ang nakikita at naririnig ninyo ngayon, ngunit hindi ito nangyari sa kanilang panahon.
“Pakinggan ninyo ang kahulugan ng talinghaga tungkol sa manghahasik: Kapag may taong nakarinig ng mensahe tungkol sa kaharian ng Diyos ngunit hindi naman niya iyon inuunawa, darating si Satanas at tatangayin ang salita ng Diyos sa puso niya. Siya ang maihahalintulad sa tabi ng daan kung saan nahulog ang ilang binhi. Gayundin naman, ang mga taong nakarinig ng salita ng Diyos at agad tinanggap nang may kagalakan ay maihahalintulad sa batuhan kung saan nahulog ang ibang binhi. Ngunit dahil hindi ito nag-ugat sa kanilang mga puso, hindi nagtatagal ang kanilang pananampalataya. Kaagad nila itong tinatalikuran pagdating ng pagsubok o pag-uusig dahil sa salita ng Diyos na kanilang tinanggap. Ang mga taong nakarinig ng salita ng Diyos ay maihahalintulad sa lupang may matitinik na damo, kung saan nahulog ang iba pang binhi. Ngunit dahil sa mga alalahanin dito sa mundo at sa paghahangad na yumaman, nakalimutan nila ang salita ng Diyos, kaya hindi namunga ang salita sa buhay nila. Ngunit ang mga taong nakarinig sa salita ng Diyos at nakakaunawa nito ang siyang maihahalintulad sa matabang lupang hinasikan ng binhi. Sila ang mga namumunga ng tigtatatlumpu, tig-aanimnapu, at tig-iisang daan.”