Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Mateo 6:1-18

Mateo 6:1-18 ASD

“Mag-ingat kayo at baka ang paggawa ninyo ng mabuti ay pakitang-tao lamang. Sapagkat kung ganyan ang ginagawa ninyo, wala kayong matatanggap na gantimpala mula sa inyong Amang nasa langit. “Kaya kapag nagbibigay kayo ng limos, huwag na ninyo itong ipamalita gaya ng ginagawa ng mga pakitang-tao sa mga sinagoga at sa mga daan para purihin sila ng mga tao. Sinasabi ko sa inyo ang totoo, natanggap na nila ang kanilang gantimpala. Sa halip, kung magbibigay kayo ng limos, huwag ninyong ipaalam sa inyong kaliwang kamay kung ano ang ginagawa ng inyong kanang kamay, upang maging lihim ang pagbibigay ninyo. At ang inyong Amang nakakakita sa ginagawa ninyo nang lihim ang siyang gagantimpala sa inyo.” “Kapag nananalangin kayo, huwag kayong tutulad sa ginagawa ng mga pakitang-tao. Gustong-gusto nilang manalangin nang nakatayo sa mga sinagoga at sa mga kanto ng lansangan para makita sila ng ibang tao. Sinasabi ko sa inyo ang totoo, natanggap na nila nang buo ang kanilang gantimpala. Sa halip, kapag mananalangin kayo, pumasok kayo sa inyong kuwarto at isara ang pinto. At saka kayo manalangin sa inyong Amang hindi nakikita. At ang inyong Amang nakakakita sa ginagawa ninyo nang lihim ang siyang gagantimpala sa inyo. At kapag nananalangin kayo, huwag kayong gumamit ng maraming salita na wala namang kabuluhan, tulad ng ginagawa ng mga Hentil. Akala nilaʼy pakikinggan sila kung marami silang sinasabi. Huwag nʼyo silang gayahin, dahil alam na ng inyong Ama kung ano ang kailangan ninyo bago pa man kayo humingi. “Kaya manalangin kayo ng katulad nito: ‘Ama naming nasa langit, sambahin nawa ang inyong ngalan. Dumating nawa ang inyong kaharian, at sundin nawa ang inyong kalooban dito sa lupa katulad ng sa langit. Bigyan nʼyo kami ng aming pagkain sa araw-araw, at patawarin nʼyo kami sa aming mga kasalanan, tulad ng pagpapatawad namin sa mga nagkakasala sa amin. At huwag nʼyong ipahintulot na kamiʼy matukso kundi iligtas nʼyo po kami sa masama. [Sapagkat inyo ang kaharian, at ang kapangyarihan, at ang kaluwalhatian, magpakailanman! Amen.] Kung pinapatawad ninyo ang mga taong nagkakasala sa inyo, patatawarin din kayo ng inyong Amang nasa langit. Ngunit kung hindi ninyo sila pinapatawad, hindi rin kayo patatawarin ng inyong Ama.’ ” “Kapag nag-aayuno kayo, huwag kayong magkunwaring malungkot katulad ng mga pakitang-tao. Sapagkat sinasadya nilang hindi mag-ayos ng sarili para ipakita sa iba na nag-aayuno sila. Sinasabi ko sa inyo ang totoo, natanggap na nila ang kanilang gantimpala. Sa halip, kung mag-aayuno kayo, mag-ayos kayo ng sarili at maghilamos, upang hindi malaman ng iba na nag-aayuno kayo, maliban sa inyong Amang hindi nakikita. At ang inyong Amang nakakakita sa ginagawa ninyo nang lihim ang siyang gagantimpala sa inyo.