Micas 4:6-13
Micas 4:6-13 ASD
Sinabi ng Panginoon, “Sa darating na mga araw, titipunin ko ang aking mga mamamayan na aking pinarusahan, na parang mga tupang pilay at nakakalat. Ang mga natira sa kanila ay gagawin kong makapangyarihang bansa. At mula sa araw na iyon ay maghahari ang Panginoon sa kanila sa Bundok ng Zion magpakailanman. Ikaw naman, Zion, tulad ka ng tore na nagbabantay sa mga kawan, ibibigay muli sa iyo ang dati mong kapangyarihan, ibabalik sa iyo, Jerusalem, ang iyong kaharian.” Mga mamamayan ng Zion, bakit kayo dumaraing na parang babaeng manganganak na? Nandiyan pa naman ang inyong mga hari, at buháy pa ang kanyang mga tagapayo. Sige, mamilipit kayo sa sakit na parang babaeng manganganak na, dahil hindi magtatagal ay lilisanin nʼyo ang inyong lungsod at maninirahan kayo sa kaparangan, at pagkatapos ay dadalhin kayo sa Babilonia. Ngunit ililigtas kayo doon ng Panginoon mula sa inyong mga kalaban. Maraming bansa ang nagkaisa upang makipaglaban sa inyo. Sinasabi nila, “Hiyain natin ang Zion! At pagkatapos, panoorin natin ang nakakahiyang kalagayan nito.” Ngunit hindi alam ng mga bansang ito ang iniisip ng Panginoon. Hindi nila nauunawaan ang aking plano na tinipon ko sila upang parusahan, tulad ng mga butil na tinipon para dalhin sa giikan. “Mga mamamayan ng Zion, humanda kayo at lipulin ninyo nang lubusan ang inyong mga kaaway na parang gumigiik kayo ng trigo. Sapagkat gagawin ko kayong parang mga torong baka na may bakal na mga sungay at tansong mga kuko. Dudurugin ninyo ang maraming bansa na nagkaisa upang labanan kayo. At ang mga kayamanang sinamsam nila sa pamamagitan ng pagmamalupit ay ihandog ninyo sa akin, ang Panginoon ng buong mundo.”


