Micas 6:8-15
Micas 6:8-15 ASD
Hindi! Sinabi na ng Panginoon kung ano ang mabuti. At ano ang ninanais niya sa inyo? Gawin ang matuwid, pairalin ang pagkamaawain, at buong pagpapakumbabang sumunod sa Diyos. Pakinggan ninyo ang sinasabi ng Panginoon sa lungsod ng Jerusalem, dahil ang taong may takot sa kanya ang siyang may tunay na karunungan: “Kayong mga kabilang sa lahi ni Juda, magtipon-tipon kayo sa lungsod ng Jerusalem at makinig. Masasama kayong mamamayan! Hindi ko makakalimutan ang mga kayamanang natipon ninyo sa masamang paraan. Gumagamit kayo ng madayang takalan. Itoʼy gawaing aking kinasusuklaman. Hindi maaaring pabayaan ko na lang kayo sa mga pandaraya ninyo sa inyong timbangan. Malulupit ang mayayaman sa inyo, at mga sinungaling kayo. Kaya sinimulan kong lipulin kayo bilang parusa sa inyong mga kasalanan. Kakain kayo, ngunit hindi kayo mabubusog; mananatili kayong gutom. Mag-iimpok kayo, ngunit walang maiiwan, sapagkat masisira lamang ito sa digmaan. Magtatanim kayo, ngunit hindi ninyo maaani. Magpipisa kayo ng mga olibo ngunit hindi ninyo mapapakinabangan ang langis nito. Magpipisa kayo ng mga ubas, ngunit hindi ninyo maiinom ang katas nito.



