Logo ng Bible App
Hanapin ang Icon

Micas 7:5-15

Micas 7:5-15 ASD

Huwag na kayong magtiwala sa inyong kapwa o sa inyong mga kaibigan. At mag-ingat kayo sa inyong sinasabi kahit na sa inyong mahal na asawa. Sapagkat ang anak na lalaki ay hindi na gumagalang sa kanyang ama, ang anak na babae ay nagrerebelde sa kanyang ina, at ang manugang na babae ay nagrerebelde rin sa kanyang biyenang babae. Ang kaaway ng isang tao ay ang kanya mismong kapamilya. Subalit para sa akin, magtitiwala ako sa Panginoon na aking Diyos. Maghihintay ako sa kanya na magliligtas sa akin, at tiyak na ako ay kanyang diringgin. Sinabi ng mga Israelita, “Hindi tayo dapat kutyain ng ating mga kaaway. Kahit na nadapa tayo, muli tayong babangon. At kahit na nasa kadiliman tayo, ang Panginoon ang ating ilaw. Dahil sa nagkasala tayo sa Panginoon, dapat nating tiisin ang kanyang parusa sa atin hanggang sa ipagtanggol niya tayo at bigyan ng katarungan. Makikita natin ang pagliligtas niya sa atin sa pamamagitan ng pagdala niya sa atin sa kaliwanagan. Makikita ito ng ating mga kaaway at mapapahiya sila. Sapagkat kinukutya nila tayo noon na nagsasabi, ‘Nasaan na ang Panginoon na inyong Diyos?’ Hindi magtatagal at makikita natin ang kapahamakan nila. Magiging tulad sila ng putik na tinatapak-tapakan sa lansangan.” Darating ang araw na muli ninyong itatayo ang mga pader ninyo at sa panahong iyon lalong lalawak ang inyong teritoryo. Sa panahon ding iyon, pupunta sa inyo ang mga tao mula sa Asiria at sa mga lungsod ng Ehipto, at mula sa Ehipto hanggang sa Ilog Eufrates, at mula sa malalayong lugar. Magiging mapanglaw na lugar ang mga bansa sa mundo dahil sa kasamaan ng mga naninirahan doon. Patnubayan nawa ninyo ang inyong mamamayan katulad ng pastol sa kanyang kawan. Ang mga lupain sa aming paligid ay may masaganang pastulan, ngunit kami ay namumuhay sa kaparangan na kami-kami lang. Palawakin nʼyong muli ang aming teritoryo hanggang sa Bashan at sa Gilead katulad noon. Sinabi ng Panginoon, “Magpapakita ako sa kanila ng mga himala, katulad noong inilabas ko kayo sa Ehipto.”