Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Marcos 9

9
1Sinabi pa ni Jesus sa kanila, “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, may ilan sa inyo rito na hindi mamamatay hanggaʼt hindi nila nakikitang dumarating ang paghahari ng Dios na dumarating nang may kapangyarihan.”
Ang Pagbabagong-anyo ni Jesus
(Mat. 17:1-13; Luc. 9:28-36)
2Pagkaraan ng anim na araw, isinama ni Jesus sina Pedro, Santiago at Juan sa isang mataas na bundok. Sila lang ang naroon. At habang nakatingin sila kay Jesus, nagbago ang kanyang anyo. 3Naging puting-puti ang damit niya at nakakasilaw tingnan. Walang sinuman dito sa mundo na makakapagpaputi nang katulad noon. 4At nakita nila sina Elias at Moises na nakikipag-usap kay Jesus. 5Sinabi ni Pedro kay Jesus, “Guro, mabutiʼt narito po kami!#9:5 kami: o, tayo. Gagawa kami ng tatlong kubol:#9:5 kubol: sa Ingles, “temporary shelter.” isa po para sa inyo, isa para kay Moises at isa para kay Elias.” 6Ito ang nasabi niya dahil hindi niya alam kung ano ang dapat niyang sabihin sapagkat sila ay takot na takot. 7Pagkatapos, tinakpan sila ng ulap. At may narinig silang tinig mula sa ulap na nagsasabi, “Ito ang minamahal kong Anak. Pakinggan ninyo siya!” 8Tumingin sila agad sa paligid, pero wala nang ibang naroon kundi si Jesus na lang.
9Nang pababa na sila sa bundok, pinagbilinan sila ni Jesus, “Huwag ninyong sasabihin kahit kanino ang nakita ninyo hanggaʼt ako na Anak ng Tao ay hindi pa muling nabubuhay.” 10Kaya hindi nila sinabi kahit kanino ang pangyayaring iyon. Pero pinag-usapan nila kung ano ang ibig niyang sabihin sa muling pagkabuhay. 11Nagtanong sila kay Jesus, “Bakit sinasabi po ng mga tagapagturo ng Kautusan na kailangan daw munang dumating si Elias bago dumating ang Cristo?” 12-13Sumagot siya sa kanila, “Totoo iyan, kailangan ngang dumating muna si Elias upang ihanda ang lahat ng bagay. Ngunit sasabihin ko sa inyo: dumating na si Elias at ginawa ng mga tao ang gusto nilang gawin sa kanya ayon na rin sa isinulat tungkol sa kanya. Ngunit bakit nasusulat din na ako na Anak ng Tao ay magtitiis ng maraming hirap at itatakwil ng mga tao?”
Pinagaling ni Jesus ang Batang Sinasaniban ng Masamang Espiritu
(Mat. 17:14-21; Luc. 9:37-43)
14Pagdating nina Jesus sa kinaroroonan ng iba pa niyang mga tagasunod na naiwan, nakita nila na maraming tao ang nagtitipon doon. Naroon din ang ilang tagapagturo ng Kautusan na nakikipagtalo sa mga tagasunod ni Jesus. 15Nabigla ang mga tao nang makita nila si Jesus, at patakbo silang lumapit at bumati sa kanya. 16Tinanong ni Jesus ang mga tagasunod niya, “Ano ang pinagtatalunan ninyo?” 17May isang lalaki roon na sumagot, “Guro, dinala ko po rito sa inyo ang anak kong lalaki dahil sinasaniban siya ng masamang espiritu at hindi na makapagsalita. 18Kapag sinasaniban siya ng masamang espiritu, natutumba siya, bumubula ang bibig, nagngangalit ang mga ngipin, at pagkatapos ay naninigas ang katawan niya. Nakiusap ako sa mga tagasunod nʼyo na palayasin ang masamang espiritu, pero hindi po nila kaya.” 19Sinabi ni Jesus sa kanila, “Kayong henerasyon ng mga walang pananampalataya! Hanggang kailan ba ako magtitiis sa inyo? Dalhin nʼyo rito ang bata!” 20Kaya dinala nila ang bata kay Jesus. Pero nang makita ng masamang espiritu si Jesus, pinangisay niya ang bata, itinumba, at pinagulong-gulong sa lupa na bumubula ang bibig. 21Tinanong ni Jesus ang ama ng bata, “Kailan pa siya nagkaganyan?” Sumagot ang ama, “Mula pa po sa pagkabata. 22Madalas siyang itinutumba ng masamang espiritu sa apoy o sa tubig para patayin. Kaya maawa po kayo sa amin; kung may magagawa kayo, tulungan nʼyo po kami!” 23Sinagot siya ni Jesus, “Bakit mo sinabing kung may magagawa ako? Ang lahat ng bagay ay magagawa ko sa taong sumasampalataya sa akin!” 24Sumagot agad ang ama ng bata, “Sumasampalataya po ako, pero kulang pa. Dagdagan nʼyo po ang pananampalataya ko!”
25Nang makita ni Jesus na dumarami ang taong paparating sa kanya, sinaway niya ang masamang espiritu, at sinabi, “Ikaw na espiritung nagpapapipi at nagpapabingi sa batang ito, inuutusan kitang lumabas sa kanya! At huwag ka nang babalik sa kanya!” 26Sumigaw ang masamang espiritu, pinangisay ang bata, at saka lumabas. Naging parang patay ang bata, kaya sinabi ng karamihan, “Patay na siya!” 27Pero hinawakan ni Jesus ang kamay ng bata at itinayo, at tumayo ang bata.
28Nang pumasok na sina Jesus sa bahay na tinutuluyan nila, tinanong siya ng mga tagasunod niya nang sila-sila lang, “Bakit hindi po namin mapalayas ang masamang espiritu?” 29Sinagot sila ni Jesus, “Ang ganoong uri ng masamang espiritu ay mapapalayas lang sa pamamagitan ng panalangin.”
Ang Ikalawang Pagpapahayag ni Jesus tungkol sa Kanyang Kamatayan
(Mat. 17:22-23; Luc. 9:43b-45)
30Umalis sila sa lugar na iyon at dumaan sa Galilea. Ayaw ni Jesus na malaman ng mga tao na naroon siya, 31dahil tinuturuan niya ang mga tagasunod niya. Sinabi niya sa kanila, “Ako na Anak ng Tao ay ibibigay sa kamay ng mga tao na kumokontra sa akin. Papatayin nila ako, ngunit muli akong mabubuhay pagkaraan ng tatlong araw.” 32Ngunit hindi nila naunawaan ang sinabi niya, at natakot naman silang magtanong sa kanya.
Sino ang Pinakadakila?
(Mat. 18:1-5; Luc. 9:46-48)
33Dumating sila sa Capernaum. At nang nasa bahay na sila, tinanong sila ni Jesus, “Ano ba ang pinagtatalunan ninyo kanina sa daan?” 34Hindi sila sumagot, dahil ang pinagtatalunan nila ay kung sino sa kanila ang pinakadakila. 35Kaya umupo si Jesus at tinawag ang 12 apostol, at sinabi sa kanila, “Ang sinuman sa inyo na gustong maging pinakadakila sa lahat ay dapat magpakababa at maging lingkod ng lahat.” 36Kumuha si Jesus ng isang maliit na bata at pinatayo sa harapan nila. Pagkatapos, kinalong niya ito at sinabi sa kanila, 37“Ang sinumang tumatanggap sa batang tulad nito dahil sa akin ay tumatanggap din sa akin. At ang tumatanggap sa akin ay tumatanggap sa aking Amang nagsugo sa akin.”
Kakampi Natin ang Hindi Laban sa Atin
(Luc. 9:49-50)
38Sinabi ni Juan kay Jesus, “Guro, nakakita po kami ng taong nagpapalayas ng masasamang espiritu sa inyong pangalan. Pinagbawalan namin siya dahil hindi natin siya kasamahan.” 39Pero sinabi ni Jesus, “Huwag nʼyo siyang pagbawalan, dahil walang sinumang gumagawa ng himala sa aking pangalan ang magsasalita ng masama laban sa akin. 40Ang hindi laban sa atin ay kakampi natin. 41Sinasabi ko sa inyo ang totoo, ang sinumang magbigay sa inyo ng kahit isang basong tubig, dahil kayo ay kay Cristo, ay tiyak na makakatanggap ng gantimpala.”
Mga Dahilan ng Pagkakasala
(Mat. 18:6-9; Luc. 17:1-2)
42“Ngunit ang sinumang magiging dahilan ng pagkakasala ng maliliit na batang ito na sumasampalataya sa akin ay mabuti pang talian sa leeg ng gilingang bato at itapon sa dagat. 43-44Kung ang kamay mo ang dahilan ng iyong pagkakasala, putulin mo! Mas mabuti pang isa lang ang kamay mo pero may buhay na walang hanggan ka, kaysa sa dalawa ang kamay mo pero sa impyerno ka naman mapupunta, kung saan ang apoy ay hindi namamatay. 45-46Kung ang paa mo ang dahilan ng iyong pagkakasala, putulin mo! Mas mabuti pang isa lang ang paa mo pero may buhay na walang hanggan ka, kaysa sa dalawa ang paa mo pero itatapon ka naman sa impyerno. 47At kung ang mata mo ang dahilan ng iyong pagkakasala, dukitin mo! Mas mabuti pang isa lang ang mata mo pero kabilang ka sa kaharian ng Dios, kaysa sa dalawa ang mata mo pero itatapon ka naman sa impyerno. 48Ang mga uod doon ay hindi namamatay, at ang apoy ay hindi rin namamatay.
49“Sapagkat ang lahat ay aasinan#9:49 aasinan: Maaaring ang ibig sabihin ay dadalisayin, pero maaari ring paparusahan. Magkakaiba ang opinyon ng mga eksperto sa Biblia tungkol dito. sa apoy. 50Mabuti ang asin, pero kung mawalan ng lasa,#9:50 mawalan ng lasa: o, sumama ang lasa. wala nang magagawa upang ibalik ang lasa nito. Dapat maging tulad kayo sa asin na nakakatulong sa tao. Tulungan ninyo ang isaʼt isa upang maging mapayapa ang pagsasamahan ninyo.”#9:50 Dapat … pagsasamahan: sa literal, Magkaroon kayo ng asin sa sarili at maging mapayapa kayo sa isaʼt isa.

Kasalukuyang Napili:

Marcos 9: ASND

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in