Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Bilang 20

20
Ang Tubig na Lumabas sa Bato
(Exo. 17:1-7)
1Noong unang buwan, dumating ang buong mamamayan ng Israel sa ilang ng Zin, at nagkampo sila sa Kadesh. Doon namatay si Miriam at inilibing.
2Walang tubig doon, kaya nagtipon na naman ang mga tao laban kina Moises at Aaron. 3Nakipagtalo sila kay Moises at sinabi, “Mabuti pang namatay na lang kami kasama ng mga kababayan naming namatay noon sa presensya ng Panginoon. 4Bakit dinala mo kaming mga mamamayan ng Panginoon dito sa disyerto? Para ba mamatay kasama ng aming mga alagang hayop? 5Bakit ba pinalabas mo pa kami sa Egipto at dinala kami rito sa walang kwentang lugar na kahit trigo, igos, ubas o pomegranata ay wala? At walang tubig na mainom!”
6Kaya iniwan nina Moises at Aaron ang mga mamamayan, at nagpunta sila sa Toldang Tipanan at nagpatirapa sila para manalangin. Pagkatapos, nagpakita sa kanila ang makapangyarihang presensya ng Panginoon. 7Sinabi ng Panginoon kay Moises, 8“Kunin mo ang iyong baston at tipunin ninyo ni Aaron ang buong mamamayan. At habang nakatingin sila, utusan mo ang bato na maglabas ng tubig, at mula dito aagos ang tubig. Sa pamamagitan nito, mabibigyan ninyo ng tubig ang mamamayan para makainom sila at ang kanilang mga hayop.”
9Kaya kinuha ni Moises ang baston sa presensya ng Panginoon, doon sa may Toldang Tipanan, ayon sa iniutos ng Panginoon sa kanya. 10Pagkatapos, tinipon nina Aaron ang buong mamamayan sa harapan ng bato, at sinabi ni Moises sa kanila, “Makinig kayong mga suwail, dapat ba namin kayong bigyan ng tubig mula sa batong ito?” 11Pagkatapos, itinaas ni Moises ang kanyang baston, pinalo ng dalawang beses ang bato, at bumulwak ang tubig mula rito, at uminom ang mamamayan at ang kanilang mga hayop.
12Pero sinabi ng Panginoon kina Moises at Aaron, “Dahil sa hindi kayo naniwala sa akin na ipapakita ko sa inyo ang aking kabanalan sa harap ng mga Israelita, hindi kayo ang mamumuno sa pagdadala ng mga mamamayang ito sa lupaing ibibigay ko sa kanila.”
13Ang lugar na ito ay tinatawag na Meriba#20:13 Meriba: Ang ibig sabihin sa, pagtatalo. dahil nakipagtalo ang mga Israelita sa Panginoon sa lugar na ito, at dito rin ipinakita ng Panginoon ang kanyang kabanalan.
Hindi Pinayagan ng mga taga-Edom na Dumaan ang mga Israelita
14Habang naroon pa ang mga Israelita sa Kadesh, nagsugo si Moises ng mga mensahero sa hari ng Edom na nagsasabi, “Ito ang mensahe mula sa iyong kamag-anak, ang mamamayan ng Israel: Nalalaman mo ang lahat ng kahirapan na aming napagdaanan. 15Pumunta ang aming mga ninuno sa Egipto, at matagal silang nanirahan doon. Inapi kami at ang aming mga ninuno ng mga Egipcio, 16pero humingi kami ng tulong sa Panginoon at pinakinggan niya kami at pinadalhan ng anghel na naglabas sa amin sa Egipto.
“Ngayon, naririto kami sa Kadesh, ang bayan sa tabi ng iyong teritoryo. 17Kung maaari, payagan mo kaming dumaan sa inyong lupain. Hindi kami dadaan sa inyong mga bukid o ubasan o iinom sa inyong mga balon. Dadaan lang kami sa inyong pangunahing daan#20:17 pangunahing daan: sa literal, daanan ng hari. at hindi kami dadaan sa ibang mga daan hanggang sa makalabas kami sa inyong teritoryo.”
18Pero ito ang sagot ng hari ng Edom, “Huwag kayong dadaan dito sa amin. Kung dadaan kayo, sasalakayin namin kayo at papatayin.” 19Sumagot ang mga Israelita, “Dadaan lang kami sa pangunahing daan; at kung makakainom kami at ang aming mga hayop ng inyong tubig, babayaran namin ito. Dadaan lang kami sa inyo.”
20Sumagot muli ang hari ng Edom:
“Hindi kayo maaaring dumaan dito!” Pagkatapos, tinipon ng hari ng Edom ang kanyang malalakas na sundalo para makipaglaban sa mga Israelita. 21Dahil ayaw magpadaan ng mga taga-Edom sa kanilang teritoryo, humanap na lang ang mga Israelita ng ibang madaraanan.
Namatay si Aaron
22Umalis ang buong mamamayan ng Israel sa Kadesh, at pumunta sa Bundok ng Hor. 23Doon sa Bundok ng Hor, malapit sa hangganan ng Edom, sinabi ng Panginoon kina Moises at Aaron, 24“Dumating na ang panahon Aaron na isasama ka na sa piling ng mga yumao mong ninuno. Hindi ka makakapasok sa lupaing ibibigay ko sa mga Israelita dahil sumuway kayong dalawa ni Moises sa aking utos doon sa bukal ng Meriba. 25Ngayon, Moises, dalhin mo si Aaron at ang anak niyang si Eleazar sa Bundok ng Hor. 26Pagkatapos, hubaran mo si Aaron ng kanyang damit pampari at ipasuot ito sa anak niyang si Eleazar, dahil mamamatay si Aaron doon sa bundok at isasama na sa piling ng mga yumao niyang ninuno.”
27Sinunod ni Moises ang iniutos sa kanya ng Panginoon. Umakyat sila sa Bundok ng Hor, habang nakatingin ang buong mamamayan. 28Pagkatapos, hinubad ni Moises ang damit pampari ni Aaron, at ipinasuot niya ito kay Eleazar. At namatay si Aaron doon sa itaas ng bundok. Pagkatapos, bumaba sila Moises at Eleazar mula sa bundok. 29Nang malaman ng buong mamamayan na patay na si Aaron, nagluksa sila para sa kanya sa loob ng 30 araw.

Kasalukuyang Napili:

Bilang 20: ASND

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in