Logo ng Bible App
Hanapin ang Icon

Salmo 139:7-24

Salmo 139:7-24 ASD

Paano ba ako makakaiwas sa inyong Espiritu? Saan ba ako makakapunta na wala kayo? Kung pupunta ako sa langit ay naroon kayo; kung pupunta ako sa lugar ng mga patay, naroon din kayo. At kung pumunta man ako sa silangan o tumira sa pinakamalayong lugar sa kanluran, kayo ay naroon din upang akoʼy patnubayan at tulungan. Maaaring mapakiusapan ko ang dilim na itago ako, o maging gabi ang liwanag sa paligid ko; subalit, kahit ang kadiliman ay hindi madilim sa inyo, Panginoon, at ang gabi ay parang araw. Dahil para sa inyo, pareho lang ang dilim at ang liwanag. Kilala ninyo ako, dahil kayo ang lumalang sa akin. Kayo ang humubog sa akin sa sinapupunan ng aking ina. Pinupuri ko kayo sa kahanga-hangang pagkalikha ninyo sa akin. Alam na alam kong ang inyong mga gawa ay tunay na kahanga-hanga. Nakita ninyo ang aking mga buto nang akoʼy lihim na hubugin sa sinapupunan ng aking ina. Nakita na ninyo ako, hindi pa man ako isinisilang. Ang itinakdang mga araw na akoʼy mabubuhay ay nakasulat na sa aklat ninyo bago pa man ito mangyari. O Diyos, hindi ko lubos maunawaan ang mga iniisip ninyo; itoʼy sadyang napakarami. Kung itoʼy aking bibilangin, mas marami pa kaysa sa buhangin. Sa aking paggising, akoʼy nasa inyo pa rin. O Diyos, patayin ninyo sana ang masasamâ! Lumayo sana sa akin ang mga mamamatay-tao! Nagsasalita sila ng masama laban sa inyo. Binabanggit nila ang inyong pangalan sa walang kabuluhan. Panginoon, kinamumuhian ko ang mga namumuhi sa inyo. Kinasusuklaman ko ang mga kumakalaban sa inyo. Labis ko silang kinamumuhian; itinuturing ko silang mga kaaway. O Diyos, siyasatin ninyo ako, upang malaman ninyo ang nasa puso ko. Subukin ninyo ako, at alamin ang aking mga iniisip. Tingnan ninyo kung ako ay may masamang pag-uugali, at patnubayan ninyo ako sa daang dapat kong tahakin magpakailanman.