Salmo 42:1-11
Salmo 42:1-11 ASD
Para sa direktor ng mga mang-aawit: Isang maskil ng mga anak ni Kora. Tulad ng usang sa tubig ng ilog ay nasasabik, O Diyos, ako sa inyoʼy nananabik. Akoʼy nauuhaw sa inyo, Diyos na buháy. Kailan pa kaya ako makakatayo sa presensya nʼyo? Araw-gabiʼy luha ko lang ang aking pagkain, habang sinasabi sa akin ng aking mga kaaway, “Nasaan na ang Diyos mo?” Sumasama ang loob ko kapag naaalala ko na dati ay pinangungunahan ko ang maraming tao na pumupunta sa bahay ng Diyos. At kami ay nagdiriwang, sumisigaw sa kagalakan at nagpapasalamat sa inyo. Bakit nga ba ako nalulungkot at nababagabag? Dapat magtiwala ako sa inyo. Pupurihin ko kayong muli, aking Diyos at Tagapagligtas! Nanghihina ang loob ko. Akoʼy parang tinabunan nʼyo ng malalaking alon, na umuugong na parang tubig sa talon. Kaya dito ko muna kayo inaalala sa paligid ng Ilog Jordan at Hermon, sa Bundok ng Mizar. Sa araw, Panginoon, ipinapakita nʼyo ang inyong pag-ibig. Kaya sa gabi, umaawit ako ng aking dalangin sa inyo, O Diyos na nagbigay ng buhay ko. O Diyos, na aking batong kanlungan, akoʼy nagtatanong, “Bakit nʼyo ako kinalimutan? Bakit kinakailangan pang magdusa ako sa pang-aapi ng aking mga kaaway?” Para bang tumatagos na sa aking mga buto ang pang-iinsulto ng aking mga kaaway. Patuloy nilang sinasabi, “Nasaan na ang Diyos mo?” Bakit nga ba ako nalulungkot at nababagabag? Dapat magtiwala ako sa inyo. Pupurihin ko kayong muli, aking Diyos at Tagapagligtas!



