19
Mga Awitin ng Tagumpay sa Langit
  1Pagkatapos nito, narinig ko ang parang dagundong ng napakaraming tao sa langit na sumisigaw:
“Purihin ang Panginoon!
Purihin ang Diyos nating makapangyarihan,
sapagkat siya ang nagligtas sa atin!
  2Matuwid at tama ang kanyang paghatol.
Hinatulan niya ang sikat na babaeng bayaran
na nagpasama sa mundo
ng kanyang imoralidad.
Pinarusahan siya ng Diyos
Sapagkat pinatay niya ang mga lingkod ng Diyos.”
  3Sinabi nilang muli,
“Purihin ang Panginoon!
Ang usok ng nasusunog na lungsod
ay papailanlang magpakailanman!”
  4Nagpatirapa ang dalawampuʼt apat na pinuno at ang apat na buháy na nilalang at sumamba sa Diyos na nakaupo sa kanyang trono. Sinabi nila,
“Amen! Purihin ang Panginoon!”
  5Pagkatapos, may narinig akong nagsalita mula sa trono,
“Purihin ninyo ang ating Diyos,
kayong lahat na naglilingkod sa kanya
nang may takot, dakila man o hindi.”
  6Pagkatapos, muling may narinig ako, parang ingay ng napakaraming tao na parang lagaslas ng talon o dagundong ng malakas na kulog. Ito ang sinasabi,
“Purihin ang Panginoon!
Sapagkat naghahari na ang Panginoon nating Diyos
na makapangyarihan sa lahat!
  7Magalak tayo at magsaya, at purihin natin siya.
Sapagkat dumating na ang oras ng kasal ng Kordero,
at nakahanda na ang kanyang nobya.
  8Pinagsuot siya ng damit na gawa sa pinong lino,
makinang at malinis.”
(Ang ibig sabihin ng pinong lino ay ang mabubuting gawa ng mga hinirang ng Diyos.)
  9At sinabi sa akin ng anghel, “Isulat mo ito: Mapalad ang mga inimbitahan sa handaan sa kasal ng Kordero.” At sinabi pa niya, “Totoo ang mga sinasabing ito ng Diyos.”
  10Nagpatirapa ako sa paanan niya upang sumamba sa kanya. Ngunit sinabi niya sa akin, “Huwag mo akong sambahin! Sapagkat alipin din ako ng Diyos tulad mo at ng mga kapatid mong sumusunod sa mga katotohanang itinuro ni Hesus. Ang Diyos ang sambahin mo! Sapagkat ang mga katotohanang itinuro ni Hesus ang diwa ng mga propesiya.”
Nilupig ng Mandirigmang mula sa Langit ang Halimaw
  11Pagkatapos, nakita kong nabuksan ang langit, at may puting kabayo na nakatayo roon. Ang nakasakay ay tinatawag na Tapat at Totoo. Sapagkat matuwid siyang humatol at makipagdigma. 12Parang nagniningas na apoy ang kanyang mga mata at maraming korona ang nasa ulo niya. May nakasulat na pangalan sa kanya, na siya lang ang nakakaalam kung ano ang kahulugan. 13Ang suot niyang damit ay inilubog sa dugo. At ang tawag sa kanya ay Salita ng Diyos. 14Sinusundan siya ng mga sundalo mula sa langit. Nakasakay din sila sa mga puting kabayo, at ang mga damit nila ay gawa sa pinong lino, puting-puti at malinis. 15Mula sa bibig niya ay lumalabas ang matalas na espada na gagamitin niyang panlupig sa mga bansa. “At pamamahalaan niya sila sa pamamagitan ng kamay na bakal.”#19:15 Salmo 2:9. Ipapakita niya sa kanila ang matinding galit ng Diyos na makapangyarihan sa lahat. 16Sa damit at sa hita niya ay may pangalang nakasulat: Hari ng mga hari at Panginoon ng mga panginoon.
  17Pagkatapos, nakita ko ang isang anghel na nakatayo sa araw. Sumigaw siya sa mga ibong lumilipad sa himpapawid, “Halikayo! Magtipon kayo para sa malaking handaan ng Diyos! 18Halikayo! Kainin ninyo ang laman ng mga hari, mga heneral, mga kawal, mga nakasakay sa kabayo, pati na ang laman ng kanilang mga kabayo. Kainin ninyo ang laman ng lahat ng tao, alipin man o hindi, hamak man o dakila.”
  19Pagkatapos, nakita ko ang halimaw at ang mga hari sa mundo kasama ang kanilang mga kawal. Nagtipon sila upang labanan ang nakasakay sa puting kabayo at ang kanyang mga sundalo. 20Ngunit nabihag ang halimaw, kasama ang huwad at sinungaling na propetang gumagawa ng mga himala para dito. Ang mga himalang ito ang ginamit niya upang dayain ang mga taong may tatak ng halimaw at sumasamba sa imahen nito. Silang dalawa ay itinapon nang buháy sa lawang apoy na may nagliliyab na asupre. 21Pinatay ang mga sundalo nila sa pamamagitan ng espadang lumabas sa bibig ng nakasakay sa puting kabayo. At ang mga ibon ay nagsawa sa kakakain ng kanilang bangkay.