Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Pahayag 3

3
Para sa Iglesyang nasa Sardis
1“Isulat mo ito para sa anghel na nagbabantay sa iglesya sa Sardis:
“Ito ang mensahe ng may pitong Espiritu ng Diyos#3:1 pitong Espiritu ng Diyos: Tingnan ang talababa sa 1:4‑5. at may hawak na pitong bituin.
“Nalalaman ko ang mga ginagawa ninyo. Marami ang nagsasabing buháy na buháy ang pananampalataya nʼyo sa akin, ngunit ang totoo, para kayong mga patay. 2Gumising kayo at pasiglahin ang natitira ninyong pananampalataya, upang hindi ito tuluyang mamatay. Dahil nakikita kong ang mga gawa nʼyo ay hindi pa ganap sa paningin ng aking Diyos. 3Kaya alalahanin ninyo ang mga aral na tinanggap ninyo. Sundin ninyo ang mga iyon at pagsisihan at talikuran ang inyong mga kasalanan. Kung hindi kayo gigising, darating akong tulad ng isang magnanakaw, sa oras na hindi ninyo inaasahan.
4“Gayunpaman, may ilan sa inyo diyan sa Sardis na hindi nahawa sa masamang gawain ng iba. Lalakad silang kasama ko na nakasuot ng puting damit, dahil karapat-dapat sila. 5Ang magtatagumpay ay bibihisan ng puting damit at hindi ko buburahin ang pangalan niya sa aklat ng buhay. Sa halip, kikilalanin ko silang mga alagad sa harap ng aking Ama at ng kanyang mga anghel.
6“Kayong may pandinig, pakinggan ninyo ang sinasabi ng Espiritu sa mga iglesya.
Para sa Iglesyang nasa Filadelfia
7“Isulat mo ito para sa anghel na nagbabantay sa iglesya sa Filadelfia:
“Ito ang mensahe ng banal at totoong may hawak ng susi ni David. Kapag binuksan niya ang pinto, walang makapagsasara nito. At kapag isinara niya, wala sinuman ang makapagbubukas nito.
8“Nalalaman ko ang mga ginagawa ninyo. Kahit kakaunti ang inyong kakayahan, sinunod ninyo ang mga turo ko at naging tapat kayo sa akin. Kaya nagbukas ako ng pintuan para sa inyo na walang sinumang makapagsasara. 9Makinig kayo! Ito naman ang gagawin ko sa mga kampon ni Satanas na mga sinungaling at nagpapanggap bilang mga Hudyo: Paluluhurin ko sila sa harapan ninyo, at malalaman nila na mahal ko kayo. 10Darating ang matinding kahirapan sa buong mundo na susubok sa mga tao. Ngunit dahil sinunod ninyo ang utos kong magtiis, ililigtas ko kayo sa panahong iyon.
11“Nalalapit na ang aking pagdating kaya magpatuloy kayo sa paggawa ng mabuti upang hindi kayo maagawan ng gantimpala. 12Ang magtatagumpay ay gagawin kong parang haligi sa Templo ng aking Diyos, at hindi na siya aalis doon. Isusulat ko sa kanya ang pangalan ng aking Diyos at ang pangalan ng lungsod ng Diyos, ang bagong Jerusalem na bababa mula sa langit. Isusulat ko rin sa kanya ang aking bagong pangalan.
13“Kayong may pandinig, pakinggan ninyo ang sinasabi ng Espiritu sa mga iglesya.
Para sa Iglesyang nasa Laodicea
14“Isulat mo ito para sa anghel na nagbabantay sa iglesya sa Laodicea:
“Ito ang mensahe ng tinatawag na Amen, ang tapat at tunay na saksi. Siya ang pinagmulan ng lahat ng nilalang ng Diyos.
15-16“Nalalaman ko ang mga ginagawa ninyo. Alam kong hindi kayo malamig o mainit. Maigi sana kung mainit kayo o malamig, ngunit maligamgam kayo, kaya isusuka ko kayo. 17Sinasabi ninyong kayoʼy mayaman, sagana sa lahat ng bagay, at wala nang pangangailangan. Ngunit hindi nʼyo nalalamang kayoʼy kahabag-habag, mahirap, bulag, at hubad. 18Kaya pinapayuhan ko kayong bumili sa akin ng gintong dinalisay sa apoy upang maging totoong mayaman kayo. Bumili rin kayo sa akin ng puting damit upang matakpan ang kahiya-hiya ninyong kahubaran, at pati na rin ng gamot na ipinapahid sa mata para kayoʼy makakita.
19“Ang lahat ng minamahal ko ay tinutuwid ko at dinidisiplina. Kaya magsisi kayo at ituwid ang ugali ninyo. 20Narito ako sa labas ng pintuan ninyo at kumakatok. Kung may makarinig sa akin at buksan ang pinto, papasok ako at magsasalo kami sa pagkain.
21“Ang magtatagumpay ay bibigyan ko ng karapatang umupo sa tabi ko sa aking trono, tulad kong nagtagumpay at ngayoʼy nakaupo sa tabi ng aking Ama sa kanyang trono.
22“Kayong may pandinig, pakinggan ninyo ang sinasabi ng Espiritu sa mga iglesya.”

Kasalukuyang Napili:

Pahayag 3: ASD

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in