Mga Taga-Roma 15:1-7
Mga Taga-Roma 15:1-7 ASD
Tayong malalakas sa pananampalataya ay dapat tumulong sa mga kapatid nating mahihina. Hindi lang ang sarili nating kapakanan ang dapat nating isipin, kundi ang kapakanan din ng iba, upang mapalakas ang kanilang pananampalataya. Maging si Kristo ay hindi hinangad ang sariling kapakanan, kundi ayon sa Kasulatan, “Nasaktan din ako sa mga panlalait na ginawa sa inyo.” Ang lahat ng nakasulat sa Kasulatan noong unang panahon ay isinulat upang turuan tayo. At sa pamamagitan ng Kasulatan, tayoʼy magiging matatag at malakas ang loob, at magkakaroon ng pag-asa. Nawa ang Diyos na nagpapalakas at nagbibigay sa atin ng pag-asa ay tulungan kayong mamuhay nang may pagkakaisa bilang mga alagad ni Kristo Hesus. Sa ganoon, sama-sama kayong magpupuri sa Diyos at Ama ng ating Panginoong Hesu-Kristo. Kaya tanggapin ninyo ang isaʼt isa gaya nang pagtanggap ni Kristo sa inyo upang mapapurihan ang Diyos.

