Mga Taga-Roma 4:16-25
Mga Taga-Roma 4:16-25 ASD
Samakatuwid, nakabatay ang pangako ng Diyos sa pananampalataya upang itoʼy maging biyaya ng Diyos at tiyak na matatanggap ng lahat ng lahi ni Abraham; hindi lamang ng mga sakop ng Kautusan, kundi maging ng mga Hentil na sumasampalataya ring tulad ni Abraham, sapagkat siya ang ama nating lahat. Gaya nga ng sinasabi sa Kasulatan, “Ginawa kitang ama ng maraming bansa.” Kaya sa paningin ng Diyos, si Abraham ang ating ama. At ang Diyos na pinaniwalaan ni Abraham, ang siya ring Diyos na bumubuhay sa mga patay at lumilikha ng mga bagay na wala pa. Kahit na wala nang pag-asang maging ama si Abraham, nanalig pa rin siyang magiging ama siya ng maraming bansa; gaya nga ng sinabi ng Diyos sa kanya, “Magiging kasindami ng bituin ang bilang ng mga anak mo.” Mag-iisang daang taóng gulang na siya noon. Alam niyang matanda na siya at mahina na ang katawan. Alam din niyang si Sara ay baog at hindi maaaring magkaanak. Ganoon pa man, hindi nanghina ang kanyang pananampalataya. Hindi siya nag-alinlangan sa pangako ng Diyos, kundi lalo pang tumibay ang kanyang pananampalataya. Pinapurihan niya ang Diyos dahil lubos siyang umasa na tutuparin ng Diyos ang kanyang pangako. Kaya nga, itinuring ng Diyos na matuwid si Abraham dahil sa kanyang pananampalataya. Ngunit ang katagang, “itinuring na matuwid,” ay hindi lamang para kay Abraham, kundi para rin sa atin. Tayo man ay itinuturing ng Diyos na matuwid kung sumasampalataya tayo sa kanya na muling bumuhay sa ating Panginoong Hesus. Pinatay si Hesus dahil sa ating mga kasalanan, at muling binuhay upang tayoʼy maituring na matuwid.




