Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Mga Taga-Roma 5:1-11

Mga Taga-Roma 5:1-11 ASD

Samakatuwid, ngayong itinuturing na tayong matuwid dahil sa pananampalataya natin kay Kristo, mayroon na tayong kapayapaang dulot ng magandang relasyon natin sa Diyos sa pamamagitan ng ating Panginoong Hesu-Kristo. Dahil sa pananampalataya natin sa kanya, tinatamasa natin ang kagandahang-loob ng Diyos at nagagalak tayo dahil sa ating pag-asang makakabahagi tayo sa kaluwalhatian ng Diyos. At hindi lamang iyon, nagagalak din tayo kahit na dumaranas tayo ng mga paghihirap, dahil natututo tayong magtiis. Alam natin na ang pagtitiis ay nagpapabuti sa ating pagkatao. At kung mabuti ang ating pagkatao, nagbubunga ito ng pag-asa. At hindi tayo mabibigo sa ating pag-asa dahil ibinuhos sa atin ng Diyos ang kanyang pagmamahal sa pamamagitan ng Banal na Espiritu na ibinigay niya sa atin. Noong tayoʼy walang kakayahang sundin ang kalooban ng Diyos, namatay si Kristo para sa atin na mga makasalanan sa panahong itinakda ng Diyos. Bihira ang taong mag-aalay ng kanyang buhay para sa isang taong matuwid, bagamaʼt maaaring mayroong maglakas-loob na ibigay ang kanyang buhay para sa isang mabuting tao. Ngunit ipinakita ng Diyos sa atin ang kanyang pag-ibig sa ganitong paraan: Kahit noong tayoʼy makasalanan pa, namatay si Kristo para sa atin. At ngayong itinuring na tayong matuwid sa pamamagitan ng dugo ni Kristo, tiyak na maliligtas tayo sa parusa ng Diyos dahil kay Kristo. Dati, kaaway tayo ng Diyos, pero ngayon, tinanggap na niya tayong mga kaibigan sa pamamagitan ng pagkamatay ng kanyang Anak. At ngayong mayroon na tayong magandang relasyon sa Diyos, tiyak na ililigtas niya tayo sa kaparusahan sa pamamagitan ng buhay ni Kristo. At hindi lang iyan, nagagalak din tayo sa Diyos ngayon dahil sa ginawa ng ating Panginoong Hesu-Kristo. Sa pamamagitan niyaʼy naibalik ang magandang relasyon natin sa Diyos.