Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

2 Mga Taga-Corinto 2:1-13

2 Mga Taga-Corinto 2:1-13 MBB05

Sapagkat ipinasya kong huwag na munang pumunta riyan upang hindi kayo muling madulutan ng kalungkutan. Dahil kung dudulutan ko kayo ng kalungkutan, sino pa ang aaliw sa akin? Hindi ba't kayo rin? Kaya sumulat muna ako sa inyo, ayaw kong sa pagpunta ko riyan ay dulutan ng lungkot ang mga taong dapat magpaligaya sa akin. Sapagkat natitiyak kong ang aking kaligayahan ay kaligayahan din ninyong lahat. Ang puso ko'y puno ng kalungkutan at pag-aalala nang sulatan ko kayo, at maraming luha ang tumulo habang sinusulat ko iyon. Sumulat ako sa inyo hindi upang kayo'y dulutan ng kalungkutan kundi upang ipadama kung gaano kalaki ang aking pagmamahal sa inyo. Kung may nagdulot ng kalungkutan kaninuman, hindi ito sa akin ginawa; hindi sa pinalalaki ko ang bagay na ito, pero ang totoo, kayong lahat ang dinulutan niya ng kalungkutan. Sapat na ang parusang iginawad sa kanya ng nakararami sa inyo. Dapat na ninyo siyang patawarin at aliwin upang hindi naman siya tuluyang masiraan ng loob. Kaya nakikiusap akong ipadama ninyo sa kanya na siya'y mahal pa rin ninyo. Ang isa pang dahilan ng pagsulat ko sa inyo noon ay upang subukin kayo at alamin kung sinusunod ninyo ang lahat ng ipinangaral ko sa inyo. Ang sinumang pinatawad ninyo ay pinatawad ko na rin. Ang pinatawad ko, kung mayroon man akong dapat patawarin, ay pinatawad ko na sa harapan ni Cristo alang-alang sa inyo, upang hindi tayo malinlang ni Satanas at hindi naman lingid sa atin ang gusto niyang mangyari. Nang dumating ako sa Troas upang mangaral ng Magandang Balita tungkol kay Cristo, binigyan ako ng Panginoon ng magandang pagkakataon upang maisagawa iyon. Ngunit hindi rin ako mapanatag sapagkat hindi ko natagpuan doon si Tito na ating kapatid. Kaya ako'y nagpaalam sa mga tagaroon at nagtuloy sa Macedonia.