Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

2 Mga Taga-Corinto 5:11-21

2 Mga Taga-Corinto 5:11-21 MBB05

Kaya nga, dahil may takot kami sa Panginoon, sinisikap naming hikayatin ang mga tao na manumbalik sa kanya. Alam ng Diyos ang tunay naming pagkatao; at inaasahan kong kilalang-kilala rin ninyo ako. Hindi dahil sa nais naming ipagmalaking muli sa inyo ang aming sarili, kundi nais naming bigyan kayo ng dahilan upang kami'y maipagmalaki ninyo, nang sa gayon ay masagot ninyo ang mga taong walang ipinagmamalaki kundi ang mga bagay na panlabas at hindi ang tunay na pagkatao. Kung kami'y parang nasisiraan ng isip, iyon ay alang-alang sa Diyos. At kung matino naman kami, iyan ay para sa kapakanan ninyo. Ang pag-ibig ni Cristo ang naghahari sa amin, sapagkat natitiyak naming may isang namatay para sa lahat, kung kaya't ang lahat ay maibibilang nang patay. Namatay siya para sa lahat upang ang mga nabubuhay ngayon ay huwag nang mabuhay para sa sarili, kundi para kay Cristo na namatay at muling nabuhay para sa kanila. Kaya ngayon, ang pagtingin natin sa bawat tao ay hindi na batay sa sukatan ng tao. Noong una'y ganoon ang ating pagkakilala kay Cristo, ngunit ngayo'y hindi na. Kaya't kung nakipag-isa na kay Cristo ang isang tao, isa na siyang bagong nilalang. Wala na ang dati niyang pagkatao, sa halip, ito'y napalitan na ng bago. Ang Diyos ang gumawa ng lahat ng ito. Sa pamamagitan ni Cristo, ibinilang niya tayong mga kaibigan at hindi na kaaway, at pinili niya kami upang ang iba pang mga tao ay maging kaibigan rin niya. Ang ibig sabihin, sa pamamagitan ni Cristo, ang mga tao'y ibinilang ng Diyos na kaibigan, at nilimot na niya ang kanilang mga kasalanan. At kami naman ay inatasan niyang ipamalita ito. Kaya nga, kami'y mga sugo ni Cristo; ang Diyos mismo ang nakikiusap sa inyo sa pamamagitan namin. Kami'y nakikiusap sa inyo alang-alang kay Cristo; hayaan ninyong maging kaibigan kayo ng Diyos. Hindi nagkasala si Cristo, ngunit dahil sa atin, siya'y itinuring na makasalanan upang sa pamamagitan niya ay maging matuwid tayo sa harap ng Diyos.