Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Ezekiel 10

10
Umalis sa Templo ang Kaluwalhatian ni Yahweh
1Tumingin#Eze. 1:26; Pah. 4:2. ako sa ulunan ng mga kerubin at may nakita akong parang trono na waring yari sa safiro. 2Sinabi#Pah. 8:5. ni Yahweh sa lalaking nakasuot ng telang lino, “Pumunta ka sa gitna ng mga gulong na umiikot sa ibaba ng kerubin. Dumakot ka ng baga at isabog mo sa buong lunsod.”
Gayon nga ang ginawa ng lalaking nabanggit. 3Noon, ang mga kerubin ay nasa gawing timog ng Templo. Pagpasok ng lalaki sa patyo sa loob, ito'y napuno ng makapal na ulap. 4Ang kaluwalhatian ni Yahweh ay umalis sa may kerubin at lumipat sa may pagpasok ng Templo. Napuno rin ito ng ulap at ang buong patyo'y nagliwanag sa kaluwalhatian ni Yahweh. 5Ang pagaspas ng pakpak ng mga kerubin ay dinig hanggang sa patyo sa labas, wari'y ugong ng tinig ng Makapangyarihang Diyos.
6Nang sabihin nga niya sa lalaking nakadamit ng lino na siya'y kumuha ng baga sa gitna ng mga gulong sa ibaba ng mga kerubin, pumunta ito at tumayo sa tabi ng isang gulong. 7Ang isa sa mga kerubin ay dumakot ng baga na nasa kanilang kalagitnaan at ibinigay sa lalaki; at ito'y umalis. 8Ang mga kerubin ay may mga tila kamay nga ng tao sa ilalim ng kanilang mga pakpak.
9Nang#Eze. 1:15-21. ako'y tumingin, nakita kong may isang gulong sa tabi ng bawat kerubin. Ang mga gulong ay kumikislap, tulad ng topaz. 10Magkakamukha ang mga ito at parang iisa. 11Sila'y nakababaling kahit saan, hindi na kailangang pumihit. Saanman gumawi ang nasa unahan, sumusunod ang iba nang hindi na pumipihit. 12Ang#Pah. 4:8. kanilang katawan, likod, kamay, pakpak, pati mga gulong ay puno ng mata. Ang mga kerubin ay tig-iisang gulong, 13at ang tawag sa kanila ay “Mga Umiikot na Gulong.” 14Bawat#Eze. 1:10; Pah. 4:7. kerubin ay tig-aapat ang mukha: kerubin, tao, leon, at agila.
15Ang mga kerubin ay tumayo. Ito rin ang mga nilalang na buháy na nakita ko sa may Ilog Kebar. 16Paglakad ng mga ito, lumalakad din ang mga gulong; pagtaas ng mga ito, tumataas din ang mga gulong. 17Pagtigil nila, tumitigil din ang mga gulong. Pagtaas noong isa, sunod ang ikalawa pagkat iisa ang nagpapagalaw sa mga nilalang na buháy at sa mga gulong.
18Ang kaluwalhatian ni Yahweh ay umalis sa may pagpasok ng Templo at nagpunta sa may ulunan ng kerubin. 19Lumipad ang mga kerubin kasama ang mga gulong, at tumigil sa may pintuan ng Templo sa gawing silangan. Nasa ulunan pa rin nila ang kaluwalhatian ng Diyos ng Israel.
20Ang mga ito ay siya ring apat na nilalang na nakita ko sa may Ilog Kebar at nalaman kong sila'y mga kerubin. 21Sila'y tig-aapat ang mukha at tig-aapat din ang pakpak at may mga tila kamay sa ilalim ng kanilang mga pakpak. 22Ang mukha nila'y tulad din nang nakita ko sila sa may Ilog Kebar. Kung saan gumawi ang isa ay doon din ang iba.

Kasalukuyang Napili:

Ezekiel 10: MBB05

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in