Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Juan 9:1-17

Juan 9:1-17 MBB05

Sa paglalakad ni Jesus, nakita niya ang isang lalaking ipinanganak na bulag. Tinanong siya ng kanyang mga alagad, “Guro, sino po ang nagkasala at ipinanganak na bulag ang lalaking ito, siya ba o ang kanyang mga magulang?” Sumagot si Jesus, “Ipinanganak siyang bulag, hindi dahil sa nagkasala siya, o ang kanyang mga magulang, kundi upang mahayag ang kapangyarihan ng Diyos sa pamamagitan niya. Kailangang gawin natin ang mga ipinapagawa ng nagsugo sa akin habang umaga pa; malapit na ang gabi, at wala nang makakagawa pagsapit niyon. Habang ako'y nasa sanlibutan, ako ang ilaw ng sanlibutan.” Pagkasabi nito, dumura si Jesus sa lupa at gumawa ng putik. Pagkatapos, ipinahid niya ito sa mata ng bulag. Sinabi ni Jesus sa bulag, “Pumunta ka sa deposito ng tubig sa Siloe at maghilamos ka roon.” Ang kahulugan ng salitang Siloe ay Sinugo. Ganoon nga ang ginawa ng bulag, at nang magbalik siya ay nakakakita na. Nagsalita ang mga kapitbahay niya at ang mga nakakita sa kanya noong siya'y namamalimos pa, “Hindi ba iyan ang pulubing bulag?” Sumagot ang ilan, “Iyan nga!” Sabi naman ng iba, “Hindi! Kamukha lang.” Kaya't nagsalita ang dating bulag, “Ako nga po iyon.” “Paano kang nakakita?” tanong nila. Sumagot siya, “Ang lalaking tinatawag na Jesus ay gumawa ng putik at ipinahid iyon sa aking mata. Pagkatapos, sinabi niya sa akin, ‘Pumunta ka sa Siloe at maghilamos.’ Pumunta nga ako doon at naghilamos, at nakakita na ako!” “Nasaan siya?” tanong nila sa kanya. “Hindi ko alam,” sagot niya. Dinala ng mga tao sa mga Pariseo ang dating bulag, dahil Araw ng Pamamahinga nang gumawa si Jesus ng putik at nang pinagaling niya ang bulag. Tinanong din siya ng mga Pariseo kung paano siya nakakita. Kaya't sinabi niya sa kanila, “Pinahiran niya ng putik ang aking mga mata, ako'y pinaghilamos at ngayo'y nakakakita na ako.” Ang sabi ng ilang Pariseo, “Hindi maaaring mula sa Diyos ang taong iyon, sapagkat hindi niya ipinapangilin ang Araw ng Pamamahinga.” Ngunit sinabi naman ng iba, “Paanong makakagawa ng ganitong mga himala ang isang makasalanan?” At hindi sila magkaisa. Kaya't tinanong nilang muli ang dating bulag, “At ikaw, ano naman ang masasabi mo tungkol sa kanya, dahil pinagaling niya ang iyong mga mata?” “Isa siyang propeta!” sagot niya.