Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Mga Panaghoy 3

3
Parusa, Pagsisisi at Pag-asa
1Naranasan ko kung gaano kahirap ang maparusahan ng Diyos.
2Itinaboy niya ako sa lugar na wala kahit bahagyang liwanag.
3Walang awa niya akong hinahampas sa buong maghapon.
4Tadtad ng sugat ang buo kong katawan at bali-bali ang aking mga buto.
5Ibinilanggo niya ako sa kalungkutan at pagdurusa.
6Isinadlak niya ako sa kadiliman, laging nasa bingit ng kamatayan.
7Ginapos niya ako para hindi makatakas, pinalibutan ako ng pader na mataas.
8Nanambitan man ako at humingi ng tulong, hindi niya dininig ang aking dalangin.
9Susuray-suray ako sa tindi ng hirap, at kahit saan ako bumaling
ay may pader na nakaharang.
10Siya'y parang osong nag-aabang sa akin; at parang leong nag-aantay.
11Hinabol niya ako saka niluray; at iniwang nakahandusay.
12Iniakma niya ang kanyang pana, at ako ang ginawang tudlaan.
13Tinamaan ako sa aking puso ng kanyang mga palaso.
14Buong araw ako'y pinagtatawanan; sa mga kwentuhan ako ay biruan.
15Pawang kapaitan at kalungkutan ang ipinalasap niya sa akin.
16Inginudngod niya sa lupa ang aking mukha at idinikdik sa bato ang aking bibig.
17Naglaho sa akin ang bakas ng kalusugan, maging kapayapaan at kaligayahan man.
18Kaya't sinasabi ko, “Nawala na ang aking lakas at ang aking pag-asa kay Yahweh.”
19Simpait ng apdo ang alalahanin sa aking paghihirap at kabiguan.
20Lagi ko itong naaalaala, at ako'y labis na napipighati.
21Gayunma'y nanunumbalik ang aking pag-asa kapag naalala kong:
22Pag-ibig mo, Yahweh, ay hindi nagmamaliw; kahabagan mo'y walang kapantay.
23Ito ay laging sariwa bawat umaga; katapatan mo'y napakadakila.
24Si Yahweh ay akin, sa kanya ako magtitiwala.
25Si Yahweh ay mabuti sa mga nananalig at umaasa sa kanya,
26kaya't pinakamainam ang buong tiyagang umasa sa ating kaligtasang si Yahweh ang may dala.
27At mabuti sa isang tao na siya'y matutong magtiyaga mula sa kanyang kabataan.
28Kung siya'y palasapin ng kahirapan, matahimik siyang magtiis at maghintay;
29siya'y magpakumbabá sa harapan ni Yahweh, at huwag mawalan ng pag-asa.
30Tanggapin ang lahat ng pananakit at paghamak na kanyang daranasin.
31Mahabagin si Yahweh at hindi niya tayo itatakwil habang panahon.
32Bagaman siya'y nagpaparusa, hindi naman nawawala ang kanyang pag-ibig.
33Hindi niya ikatutuwang tayo'y saktan o pahirapan.
34Hindi nalilingid kay Yahweh kung naghihirap ang ating kalooban,
35maging ang ating karapatan, kung tayo'y pagkaitan.
36Kung ang katarungan ay hayagang tinutuya, siguradong si Yahweh ay hindi magpapabaya.
37Walang anumang bagay na mangyayari, nang hindi sa kapahintulutan ni Yahweh.
38Nasa kapangyarihan ng Kataas-taasang Diyos ang masama at mabuti.
39Bakit tayo magrereklamo kapag tayo'y pinaparusahan kung dahil naman ito sa ating mga kasalanan?
40Siyasatin nati't suriin ang ating pamumuhay, at tayo'y manumbalik kay Yahweh!
41Dumulog tayo sa Diyos at tayo'y manalangin:
42“Kami'y nagkasala at naghimagsik, at hindi mo kami pinatawad.
43“Sa iyong matinding galit ay hinabol mo kami at walang awang pinatay.
44Ang galit mo'y tila makapal na ulap na hindi malampasan ng aming mga dalangin.
45Ginawa mo kaming tambakan ng kasamaan ng sanlibutan.
46“Kinukutya kami ng aming mga kaaway;
47nagdaan na kami sa pagkawasak at kapahamakan, naranasan namin ang mabingit sa panganib at manginig sa takot.
48Hindi mapigil ang pagbalong ng aking mga luha, dahil sa kapahamakang sinapit ng aking bayan.
49“Walang tigil ang pagdaloy ng aking mga luha,
50hanggang si Yahweh ay tumunghay mula sa langit at kami'y lingapin.
51Nagdadalamhati ako dahil sa sinapit ng mga kababaihan sa aking lunsod.
52“Para akong ibong binitag ng aking mga kaaway, gayong wala silang dahilan upang kamuhian ako.
53Ako'y inihulog nila nang buháy sa isang balon, at tinakpan ng bato ang bunganga nito.
54Lumubog ako sa tubig, at nasabi ko, ‘Wala na akong pag-asang mabuhay pa.’
55“O Yahweh, tinawag ko ang iyong pangalan nang ako'y nasa kailaliman ng balon;
56narinig mo ang aking samo, ‘Huwag mong takpan ang iyong pandinig sa aking paghingi ng tulong!’
57Nilapitan mo ako nang ika'y tawagan ko; sinabi mo sa akin, ‘Huwag kang matakot!’
58“Tinulungan mo ako, Yahweh, at iniligtas mo ang aking buhay.
59Hindi kaila sa iyo ang kasamaang ginawa nila sa akin; bigyan mo ako ng katarungan.
60Nakita mo ang kanilang paghihiganti at masasamang balak laban sa akin.
61“Narinig mo, Yahweh, ang pangungutya nila't mga pakana laban sa akin.
62Nagsasalita at nag-iisip laban sa akin ang mga kaaway ko.
63Mula umaga hanggang gabi kanilang panunuya'y walang pasintabi.
64“O Yahweh, parusahan mo sila, ayon sa kanilang ginawa.
65-66Pahirapan mo sila, at iyong sumpain;
habulin mo sila at iyong lipulin!”

Kasalukuyang Napili:

Mga Panaghoy 3: MBB05

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in