Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Mateo 1:12-25

Mateo 1:12-25 MBB05

At pagkatapos na sila'y maging bihag sa Babilonia hanggang sa ipanganak si Jesus, ang mga ninuno niya ay sina: Jeconias, Salatiel, Zerubabel, Abiud, Eliakim, Azor, Sadoc, Aquim, Eliud, Eleazar, Matan, Jacob, at si Jose na asawa ni Maria. Si Maria ang ina ni Jesus—ang tinatawag na Cristo. Samakatuwid, may labing-apat na salinlahi mula kay Abraham hanggang kay David, labing-apat mula kay David hanggang sa pagkabihag ng mga Israelita sa Babilonia at labing-apat din mula sa pagkabihag sa Babilonia hanggang kay Cristo. Ito ang naganap nang ipanganak si Jesu-Cristo. Si Maria na kanyang ina at si Jose ay nakatakda nang magpakasal. Ngunit bago sila makasal, nalaman ni Maria na siya'y nagdadalang-tao sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo. Subalit dahil isang taong matuwid si Jose na kanyang mapapangasawa, at ayaw nitong malagay sa lubos na kahihiyan si Maria, binalak niyang hiwalayansi Maria nang palihim. Ngunit habang pinag-iisipan ito ni Jose, nagpakita sa kanya sa panaginip ang isang anghel ng Panginoon. Sinabi nito sa kanya, “Jose, anak ni David, huwag kang matakot na pakasalan si Maria, sapagkat ang sanggol na dinadala niya ay mula sa Espiritu Santo. Magsisilang siya ng isang batang lalaki at Jesus ang ipapangalan mo sa sanggol sapagkat ililigtas niya ang kanyang bayan sa kanilang mga kasalanan.” Nangyari nga ang lahat ng ito upang matupad ang sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng propeta, “Tingnan ninyo; ‘Maglilihi ang isang birhen at magsisilang ng isang sanggol na lalaki, at tatawagin itong Emmanuel.’” (Ang kahulugan nito'y “Kasama natin ang Diyos”.) Nang magising si Jose, sinunod nga niya ang utos ng anghel ng Panginoon at pinakasalan niya si Maria. Ngunit hindi niya sinipingan si Maria hanggang magsilang ito ng isang anak na lalaki. At Jesus nga ang ipinangalan ni Jose sa sanggol.