Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Marcos 12:1-12

Marcos 12:1-12 MBB05

At tinuruan ni Jesus ang mga tao sa pamamagitan ng mga talinhaga. Sinabi niya, “May isang taong nagtanim ng ubas sa kanyang bukid. Pinabakuran niya ang ubasan, nagpagawa ng pisaan ng ubas at nagpatayo ng isang mataas na bantayan. Pagkatapos, pinaupahan niya ang ubasan sa mga katiwala at siya'y nagpunta sa ibang lupain. Nang dumating ang panahon ng pitasan ng ubas, pinapunta niya ang isang alipin upang kunin sa mga katiwala ang kanyang kaparte. Ngunit sinunggaban ng mga katiwala ang utusan, binugbog at saka pinauwing walang dala. Muling nagsugo ang may-ari ng isa pang alipin, ngunit ito ay hinampas sa ulo at nilait-lait ng mga katiwala. Nagsugo na naman ang may-ari ng isa pang alipin ngunit pinatay naman nila ito. Ganoon din ang ginawa nila sa marami pang iba, may binugbog at may pinatay. Hindi nagtagal, iisa na lang ang natitirang maaaring papuntahin ng may-ari, ang kanyang minamahal na anak. Kaya't pinapunta niya ito sa pag-aakalang, ‘Igagalang nila ang aking anak.’ Ngunit nag-usap-usap ang mga katiwala, ‘Ang taong iyan ang tagapagmana. Halikayo, patayin natin siya upang ganap nang mapasaatin ang kanyang mamanahin.’ Kaya't sinunggaban nila at pinatay ito, at pagkatapos ay itinapon ang kanyang bangkay sa labas ng ubasan. “Ano kaya ang gagawin ng may-ari ng ubasan? Pupuntahan niya at papatayin ang mga katiwalang iyon, at ang ubasan ay ipapamahala niya sa iba. Hindi ba't nabasa na ninyo ang sinasabi sa kasulatan, ‘Ang batong itinakwil ng mga tagapagtayo ng bahay ang siyang naging batong-panulukan. Ito'y ginawa ng Panginoon, at kahanga-hangang pagmasdan?’” Nang mahalata ng mga pinuno ng mga Judio na sila ang pinapatamaan ng talinhagang iyon, tinangka nilang dakpin si Jesus. Subalit hindi nila ito magawâ sapagkat natatakot sila sa mga tao. Kaya't umalis na lamang sila at iniwan si Jesus.