Pagkatapos ng mga bagay na ito ay napakitang muli si Jesus sa mga alagad sa tabi ng dagat ng Tiberias; at siya'y napakita sa ganitong paraan. Samasama nga si Simon Pedro, at si Tomas na tinatawag na Didimo, at si Natanael na taga Cana ng Galilea, at ang mga anak ni Zebedeo, at dalawa pa sa kaniyang mga alagad. Sinabi sa kanila ni Simon Pedro, Mangingisda ako. Sinabi nila sa kaniya, Kami man ay magsisisama sa iyo. Sila'y nagsiyaon, at nagsilulan sa daong; at nang gabing yaon ay wala silang nahuling anoman. Nguni't nang nagbubukang liwayway na, si Jesus ay tumayo sa baybayin: gayon ma'y hindi napagalaman ng mga alagad na yaon ay si Jesus. Sa kanila nga'y sinabi ni Jesus, Mga anak, mayroon baga kayong anomang makakain? Nagsisagot sila sa kaniya, Wala. At kaniyang sinabi sa kanila, Ihulog ninyo ang lambat sa dakong kanan ng daong, at makakasumpong kayo. Inihulog nga nila, at hindi na nila mahila dahil sa karamihan ng mga isda. Yaong alagad nga na iniibig ni Jesus ay nagsabi kay Pedro, Ang Panginoon nga. Kaya't pagkarinig nga ni Simon Pedro na yao'y ang Panginoon, ay nagbigkis siya ng kaniyang tunika (sapagka't siya'y hubo't hubad), at tumalon sa dagat. Datapuwa't ang ibang mga alagad ay nagsilapit sa maliit na daong (sapagka't sila'y hindi lubhang malayo sa lupa, kundi may mga dalawangdaang siko), na hinihila ang lambat na puno ng mga isda. Kaya't nang sila'y magsilunsad sa lupa, ay nakakita sila doon ng mga bagang uling, at isda ang nakalagay sa ibabaw, at tinapay. Sinabi sa kanila ni Jesus, Mangagdala kayo rito ng mga isdang inyong nangahuli ngayon. Umahon nga si Simon Pedro, at hinila ang lambat sa lupa, puno ng malalaking isda, na isang daan at limangpu at tatlo, at sa ganoong karami ay hindi napunit ang lambat. Sinabi sa kanila ni Jesus, Magsiparito kayo at mangagpawing gutom. At sinoman sa mga alagad ay hindi nangahas na siya'y tanungin, Sino ka? sa pagkaalam na yaon ang Panginoon. Lumapit si Jesus, at dinampot ang tinapay, at sa kanila'y ibinigay, at gayon din ang isda. Ito'y ang ikatlong pagpapakita ni Jesus sa mga alagad, pagkatapos na siya'y magbangon sa mga patay. Kaya't nang mangakapagpawing gutom sila, ay sinabi ni Jesus kay Simon Pedro, Simon, anak ni Juan, iniibig mo baga ako ng higit kay sa mga ito? Sinabi niya sa kaniya, Oo, Panginoon; nalalaman mo na kita'y iniibig. Sinabi niya sa kaniya, Pakanin mo ang aking mga kordero. Sinabi niya sa kaniyang muli sa ikalawa, Simon anak ni Juan, Iniibig mo baga ako? Sinabi niya sa kaniya, Oo, Panginoon; nalalaman mo na kita'y iniibig. Sinabi niya sa kaniya, Alagaan mo ang aking mga tupa. Sinabi niya sa kaniya sa ikatlo, Simon, anak ni Juan, Iniibig mo baga ako? Nalumbay si Pedro sapagka't sa kaniya'y sinabing makaitlo, Iniibig mo baga ako? At sinabi niya sa kaniya, Panginoon, nalalaman mo ang lahat ng mga bagay; nalalaman mo na kita'y iniibig. Sinabi sa kaniya ni Jesus, Pakanin mo ang aking mga tupa. Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa iyo, Nang ikaw ay bata pa, ikaw ay nagbibihis, at ikaw ay lumalakad kung saan mo ibig; nguni't pagtanda mo'y iuunat mo ang iyong mga kamay, at bibigkisan ka ng iba, at dadalhin ka kung saan hindi mo ibig. Ito nga'y sinalita niya, na ipinaalam kung sa anong kamatayan ang iluluwalhati niya sa Dios. At pagkasalita niya nito, ay sinabi niya sa kaniya, Sumunod ka sa akin. Si Pedro, paglingon, ay nakita yaong alagad na iniibig ni Jesus na sumusunod; na siya ring humilig sa kaniyang dibdib sa paghapon, at nagsabi, Panginoon, sino ang sa iyo'y magkakanulo? Pagkakita nga ni Pedro sa kaniya ay nagsabi kay Jesus, Panginoon, at ano ang gagawin ng taong ito? Sinabi sa kaniya ni Jesus, Kung ibig kong siya'y manatili hanggang sa ako'y pumarito, ay ano nga sa iyo? sumunod ka sa akin. Kumalat nga ang sabing ito sa gitna ng mga kapatid, na ang alagad na yaon ay hindi mamamatay: gayon ma'y hindi sinabi ni Jesus, sa kaniya na hindi siya mamamatay; kundi, Kung ibig kong siya'y manatili hanggang sa ako'y pumarito, ay ano nga sa iyo?