At sinalita niya sa kanila ang isang talinghaga, na sila'y dapat magsipanalanging lagi, at huwag manganglupaypay; Na sinasabi, May isang hukom sa isang bayan, na hindi natatakot sa Dios, at walang taong pinagpipitaganan: At sa bayang yaon ay may isang babaing bao; at siya'y naparoroong madalas sa kaniya, na sinasabi, Iganti mo ako sa aking kaalit. At may ilang panahon na siya'y tumatanggi: datapuwa't pagkatapos ay sinabi sa kaniyang sarili, Bagaman di ako natatakot sa Dios, at di nagpipitagan sa tao: Gayon man, sapagka't nililigalig ako ng baong ito, ay igaganti ko siya, baka niya ako bagabagin ng kapaparito. At sinabi ng Panginoon, Pakinggan ninyo ang sinabi ng likong hukom. At hindi baga, igaganti ng Dios ang kaniyang mga hirang, na sumisigaw sa kaniya sa araw at gabi, at siya'y may pagpapahinuhod sa kanila? Sinasabi ko sa inyo, na sila'y madaling igaganti niya. Gayon ma'y pagparito ng Anak ng tao, makakasumpong kaya siya ng pananampalataya sa lupa? At kaniyang sinalita naman ang talinghagang ito sa nagsisiasa sa kanilang sarili, na nangagpapanggap na sila'y matutuwid, at pinawawalang halaga ang lahat ng mga iba: May dalawang lalaking nagsipanhik sa templo upang magsipanalangin; ang isa'y Fariseo, at ang isa'y maniningil ng buwis. Ang Fariseo ay nakatayo at nanalangin sa kaniyang sarili ng ganito, Dios, pinasasalamatan kita, na hindi ako gaya ng ibang mga tao, na mga manglulupig, mga liko, mga mapangalunya, o hindi man lamang gaya ng maniningil ng buwis na ito. Makalawa akong nagaayuno sa isang linggo; nagbibigay ako ng ikapu ng lahat kong kinakamtan. Datapuwa't ang maniningil ng buwis, na nakatayo sa malayo, ay ayaw na itingin man lamang ang kaniyang mga mata sa langit, kundi dinadagukan ang kaniyang dibdib, na sinasabi, Dios, ikaw ay mahabag sa akin, na isang makasalanan. Sinasabi ko sa inyo, Nanaog at umuwi sa kaniyang bahay ang taong ito na inaaaringganap kay sa isa: sapagka't ang bawa't nagmamataas sa kaniyang sarili ay mabababa; datapuwa't ang nagpapakababa sa kaniyang sarili ay matataas.