Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

I MGA CRONICA 15

15
Paghahanda Upang Ilipat ang Kaban
1Gumawa si David#15:1 Sa Hebreo ay siya. ng mga bahay para sa kanya sa lunsod ni David; at ipinaghanda niya ng isang dako ang kaban ng Diyos, at nagtayo para roon ng isang tolda.
2Nang#Deut. 10:8 magkagayo'y sinabi ni David, “Walang dapat magdala ng kaban ng Diyos kundi ang mga Levita, sapagkat sila ang pinili ng Panginoon upang magdala ng kaban ng Diyos at maglingkod sa kanya magpakailanman.”
3Tinipon ni David ang buong Israel sa Jerusalem upang iahon ang kaban ng Panginoon sa lugar nito na kanyang inihanda para rito.
4At tinipon ni David ang mga anak ni Aaron at ang mga Levita;
5sa mga anak ni Kohat: si Uriel na pinuno at ang kanyang mga kapatid, isandaan at dalawampu;
6sa mga anak ni Merari: si Asaya na pinuno at ang dalawandaan at dalawampu sa kanyang mga kapatid,
7sa mga anak ni Gershon: si Joel na pinuno, at ang isandaan at tatlumpu sa kanyang mga kapatid,
8sa mga anak ni Elisafan: si Shemaya na pinuno, at ang dalawandaan sa kanyang kapatid,
9sa mga anak ni Hebron: si Eliel na pinuno, at ang kanyang walumpung mga kapatid,
10sa mga anak ni Uziel: si Aminadab na pinuno, at ang kanyang isandaan at labindalawang mga kapatid.
11Ipinatawag ni David ang mga paring sina Zadok at Abiatar, at ang mga Levita na sina Uriel, Asaya, Joel, Shemaya, Eliel, at Aminadab,
12at kanyang sinabi sa kanila, “Kayo ang mga pinuno sa mga sambahayan ng mga Levita. Magpakabanal kayo, kayo at ang inyong mga kapatid, upang inyong maiahon ang kaban ng Panginoon, ang Diyos ng Israel, sa dakong aking inihanda para rito.
13Sapagkat dahil sa hindi ninyo dinala ito nang una, ang Panginoon nating Diyos ay nagalit sa atin, sapagkat hindi natin siya hinanap ayon sa utos.”
14Sa gayo'y ang mga pari at ang mga Levita ay nagpakabanal upang iahon ang kaban ng Panginoon, ang Diyos ng Israel.
15At#Exo. 25:14 binuhat ng mga anak ng mga Levita ang kaban ng Diyos sa kanilang mga balikat sa pamamagitan ng mga pasanan, gaya ng iniutos ni Moises ayon sa salita ng Panginoon.
Ang Kaban ay Dinala ng mga Levita sa Jerusalem
(2 Sam. 6:12-22)
16Inutusan rin ni David ang pinuno ng mga Levita na italaga ang kanilang mga kapatid bilang mga mang-aawit na tutugtog sa mga panugtog, mga alpa, mga lira at mga pompiyang, upang magpailanglang ng mga tunog na may kagalakan.
17Kaya't hinirang ng mga Levita si Heman na anak ni Joel; at sa kanyang mga kapatid ay si Asaf na anak ni Berequias; at sa mga anak ni Merari na kanilang mga kapatid ay si Etan na anak ni Cusaias.
18Kasama nila ang kanilang mga kapatid mula sa ikalawang pangkat: sina Zacarias, Ben, Jaaziel, Semiramot, Jehiel, Uni, Eliab, Benaya, Maasias, Matithias, Eliphelehu, Micnias, Obed-edom, at Jehiel, na mga bantay sa pinto.
19Ang mga mang-aawit na sina Heman, Asaf, at Etan, ay tutugtog ng mga pompiyang na tanso,
20sina Zacarias, Aziel, Semiramot, Jehiel, Uni, Eliab, Maasias, at Benaya, ay tutugtog ng mga alpa ayon kay Alamot;
21ngunit sina Matithias, Elifelehu, Micnias, Obed-edom, Jehiel, at si Azazias, ay mangunguna sa pagtugtog ng mga alpa ayon sa Sheminith.
22Si Kenanias na pinuno ng mga Levita sa musika ay siyang mangangasiwa sa pag-awit sapagkat nauunawaan niya ito.
23Sina Berequias, at Elkana ay mga bantay ng pintuan para sa kaban.
24Sina Sebanias, Joshafat, Natanael, Amasai, Zacarias, Benaya at si Eliezer na mga pari, ang magsisihihip ng mga trumpeta sa harapan ng kaban ng Diyos. Sina Obed-edom at Jehias ay mga bantay rin sa pintuan para sa kaban.
25Kaya't si David at ang matatanda sa Israel at ang mga punong-kawal sa mga libu-libo, ay umalis upang iahon na may kagalakan ang kaban ng tipan ng Panginoon mula sa bahay ni Obed-edom:
26Sapagkat tinulungan ng Diyos ang mga Levita na nagdadala ng kaban ng tipan ng Panginoon, sila'y naghandog ng pitong baka at pitong tupa.
27Si David ay may suot na isang balabal na pinong lino, gayundin ang lahat ng Levita na nagpapasan ng kaban, at ang mga mang-aawit, si Kenanias na tagapamahala sa awit ng mga mang-aawit; at si David ay may suot na efod na lino.
28Sa gayon iniahon ng buong Israel ang kaban ng tipan ng Panginoon na may mga sigawan, may mga tunog ng tambuli, mga trumpeta at may mga pompiyang, at tumugtog nang malakas sa mga alpa at mga lira.
29Nangyari nga, samantalang ang kaban ng tipan ng Panginoon ay dumarating sa lunsod ni David, si Mical na anak ni Saul ay tumanaw sa bintana, at nakita niya si Haring David na sumasayaw at nagsasaya; at kanyang hinamak siya sa kanyang puso.

Kasalukuyang Napili:

I MGA CRONICA 15: ABTAG01

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in