Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

I MGA CRONICA 21

21
Ang Bayan ay Binilang
(2 Sam. 24:1-25)
1Si Satanas ay tumayo laban sa Israel, at inudyukan si David na bilangin ang sambayanang Israel.
2Kaya't sinabi ni David kay Joab at sa mga pinuno ng hukbo, “Humayo kayo, bilangin ninyo ang Israel mula sa Beer-seba hanggang sa Dan; dalhan ninyo ako ng ulat upang aking malaman ang bilang nila.”
3Ngunit sinabi ni Joab, “Paramihin nawa ng Panginoon ang kanyang bayan nang makasandaang higit sa dami nila! Ngunit, panginoon kong hari, di ba silang lahat ay mga lingkod ng aking panginoon? Bakit kailangan pa ng panginoon ko ang bagay na ito? Bakit siya'y magiging sanhi ng pagkakasala ng Israel?”
4Gayunma'y ang salita ng hari ay nanaig kay Joab. Kaya't si Joab ay humayo, at nilibot ang buong Israel, at bumalik sa Jerusalem.
5Ibinigay ni Joab kay David ang kabuuang bilang ng bayan. Sa buong Israel ay isang milyon at isandaang libo na humahawak ng tabak, at sa Juda ay apatnaraan at pitumpung libong lalaki na humahawak ng tabak.
6Ngunit ang Levi at ang Benjamin ay hindi niya binilang, sapagkat ang utos ng hari ay kasuklamsuklam para kay Joab.
7Subalit hindi kinalugdan ng Diyos ang bagay na ito, kaya't kanyang sinaktan ang Israel.
8Sinabi ni David sa Diyos, “Ako'y nagkasala nang mabigat sa paggawa ko ng bagay na ito. Ngunit ngayon, hinihiling ko sa iyo, pawiin mo ang kasamaan ng iyong lingkod, sapagkat nakagawa ako ng malaking kahangalan.”
Nagpadala ng Salot
9Ang Panginoon ay nagsalita kay Gad na propeta#21:9 Sa Hebreo ay tagakita. ni David,
10“Humayo ka at sabihin mo kay David na ito ang sinasabi ng Panginoon, ‘Inaalok kita ng tatlong bagay; pumili ka ng isa sa mga ito upang iyon ang gagawin ko sa iyo.’”
11Kaya't pumunta si Gad kay David, at sinabi sa kanya, “Ganito ang sabi ng Panginoon, ‘Mamili ka:
12tatlong taóng taggutom o tatlong buwang pananalanta ng iyong mga kaaway, habang ang tabak ng iyong mga kaaway ay umaabot sa iyo; o tatlong araw ng tabak ng Panginoon, salot sa lupain, at ang anghel ng Panginoon ay mamumuksa sa lahat ng nasasakupan ng Israel.’ Ngayon, isipin mo kung anong sagot ang ibabalik ko sa kanya na nagsugo sa akin.”
13Sinabi ni David kay Gad, “Ako'y nasa malaking kagipitan, hayaan mo akong mahulog sa kamay ng Panginoon, sapagkat lubhang malaki ang kanyang awa, ngunit huwag mong hayaang mahulog ako sa kamay ng tao.”
14Sa gayo'y nagpadala ang Panginoon ng salot sa Israel, at pitumpung libong katao ang namatay sa Israel.
15Ang Diyos ay nagsugo ng isang anghel sa Jerusalem upang puksain ito, subalit nang kanyang pupuksain na ito, ang Panginoon ay tumingin, at iniurong niya ang pagpuksa. Sinabi niya sa mamumuksang anghel, “Tama na. Itigil mo na ang kamay mo.” Ang anghel ng Panginoon ay nakatayo noon sa tabi ng giikan ni Ornan na Jebuseo.
16Tumingin si David sa itaas at nakita niya ang anghel ng Panginoon na nakatayo sa pagitan ng lupa at langit na may hawak na tabak sa kanyang kamay na nakatutok sa Jerusalem. Nang magkagayon, si David at ang matatanda na nakadamit-sako ay nagpatirapa.
17Sinabi ni David sa Diyos, “Hindi ba't ako ang nag-utos na bilangin ang bayan? Ako ang tanging nagkasala at gumawa ng malaking kasamaan. Ngunit ang mga tupang ito, ano ang kanilang nagawa? Idinadalangin ko sa iyo, O Panginoon kong Diyos, na ang iyong kamay ay maging laban sa akin at sa sambahayan ng aking ama; ngunit huwag mong bigyan ng salot ang iyong bayan.”
Si David ay Nagtayo ng Dambana sa Giikan ni Ornan
18Pagkatapos ay inutusan ng anghel ng Panginoon si Gad upang sabihin kay David na siya'y umakyat, at magtayo ng isang dambana para sa Panginoon sa giikan ni Ornan na Jebuseo.
19Kaya't si David ay pumunta ayon sa salita ni Gad na kanyang sinabi sa pangalan ng Panginoon.
20Lumingon si Ornan at nakita ang anghel; samantalang ang kanyang apat na anak na kasama niya ay nagkukubli, si Ornan ay nagpatuloy sa paggiik ng trigo.
21Samantalang si David ay papalapit kay Ornan, si Ornan ay tumanaw at nakita si David. Lumabas siya sa giikan, at yumukod kay David na ang kanyang mukha ay nasa lupa.
22Sinabi ni David kay Ornan, “Ibigay mo sa akin ang lugar ng giikang ito upang aking mapagtayuan ng isang dambana para sa Panginoon. Ibigay mo ito sa akin sa kabuuang halaga nito upang ang salot ay tumigil sa bayan.”
23Sinabi ni Ornan kay David, “Kunin mo na at gawin ng panginoon kong hari ang mabuti sa kanyang paningin. Ipinagkakaloob ko ang mga baka para sa handog na sinusunog, at ang mga kasangkapan ng giikan bilang panggatong, at ang trigo para sa handog na butil. Ibinibigay ko ang lahat ng ito.”
24Ngunit sinabi ni Haring David kay Ornan, “Hindi. Bibilhin ko ito sa buong halaga, sapagkat hindi ako kukuha ng sa iyo para sa Panginoon, o maghahandog man ako ng handog na sinusunog nang wala akong ginugol.”
25Kaya't binayaran ni David si Ornan para sa lugar na iyon ng animnaraang siklong ginto ayon sa timbang.
26Nagtayo roon si David ng isang dambana para sa Panginoon, at naghandog ng mga handog na sinusunog, at ng mga handog pangkapayapaan. Tumawag siya sa Panginoon; at kanyang sinagot siya mula sa langit sa pamamagitan ng apoy sa ibabaw ng dambana ng handog na sinusunog.
27Pagkatapos ay inutusan ng Panginoon ang anghel; at kanyang ibinalik sa kaluban ang kanyang tabak.
28Nang panahong iyon, nang makita ni David na sinagot siya ng Panginoon sa giikan ni Ornan na Jebuseo, siya'y nag-alay ng handog doon.
29Sapagkat ang tabernakulo ng Panginoon na ginawa ni Moises sa ilang at ang dambana ng handog na sinusunog, nang panahong iyon ay nasa mataas na dako sa Gibeon.
30Ngunit si David ay hindi makapunta sa harap niyon upang sumangguni sa Diyos, sapagkat siya'y natatakot sa tabak ng anghel ng Panginoon.

Kasalukuyang Napili:

I MGA CRONICA 21: ABTAG01

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in