Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

I MGA HARI 19

19
Pananakot ni Jezebel
1Isinalaysay ni Ahab kay Jezebel ang lahat ng ginawa ni Elias, at kung paanong kanyang pinatay ng tabak ang lahat ng mga propeta.
2Nang magkagayo'y nagpadala si Jezebel ng sugo kay Elias na nagsasabi, “Gayundin ang gawin sa akin ng mga diyos, at higit pa, kung hindi ko gagawin ang buhay mo na gaya ng buhay ng isa sa kanila bukas sa mga ganitong oras.”
3Kaya't siya'y natakot; bumangon siya at umalis upang iligtas ang kanyang buhay at dumating sa Beer-seba na sakop ng Juda, at iniwan ang kanyang lingkod doon.
4Ngunit#Jon. 4:3 siya'y naglakbay ng isang araw patungo sa ilang at dumating at umupo sa lilim ng isang punungkahoy. Siya'y humiling na siya'y mamatay na sana, na nagsasabi, “Sapat na; ngayon, O Panginoon, kunin mo ang aking buhay sapagkat hindi ako mas mabuti kaysa aking mga ninuno.”
5Siya'y nahiga at natulog sa ilalim ng punungkahoy na enebro; kinalabit siya ng isang anghel, at sinabi sa kanya, “Bumangon ka at kumain.”
6Siya'y tumingin, at nasa kanyang ulunan ang isang munting tinapay na niluto sa nagbabagang bato, at isang bangang tubig. Siya'y kumain, uminom at muling nahiga.
7Ang anghel ng Panginoon ay nagbalik sa ikalawang pagkakataon, at kinalabit siya, at sinabi, “Bumangon ka at kumain; kung hindi, ang paglalakbay ay magiging napakahirap para sa iyo.”
8Siya nga'y bumangon, kumain, uminom, at humayo na taglay ang lakas mula sa pagkaing iyon sa loob ng apatnapung araw at apatnapung gabi hanggang sa Horeb na bundok ng Diyos.
Ang Tinig ng Panginoon
9Siya'y pumasok doon sa isang yungib, at nanirahan roon. Ang salita ng Panginoon ay dumating sa kanya, at sinabi niya sa kanya, “Anong ginagawa mo rito, Elias?”
10Sinabi#Ro. 11:3 niya, “Ako'y naging napakamapanibughuin para sa Panginoon, sa Diyos ng mga hukbo; sapagkat pinabayaan ng mga anak ni Israel ang iyong tipan, ibinagsak ang iyong mga dambana, at pinatay ng tabak ang iyong mga propeta. At ako, ako lamang, ang naiwan; at kanilang tinutugis ang aking buhay, upang patayin ito.”
11Kanyang sinabi, “Humayo ka, at tumayo ka sa ibabaw ng bundok sa harap ng Panginoon.” At ang Panginoon ay nagdaan at biniyak ang mga bundok ng isang malaki at malakas na hangin, at pinagputul-putol ang mga bato sa harap ng Panginoon, ngunit ang Panginoon ay wala sa hangin. At pagkatapos ng hangin ay isang lindol, ngunit ang Panginoon ay wala sa lindol:
12Pagkatapos ng lindol ay apoy, ngunit ang Panginoon ay wala sa apoy: at pagkatapos ng apoy ay isang banayad at munting tinig.
13Nang marinig iyon ni Elias, binalot niya ang kanyang mukha ng kanyang balabal, at lumabas, at tumayo sa pasukan ng yungib. Dumating ang isang tinig sa kanya, at nagsabi, “Anong ginagawa mo rito, Elias?”
14At kanyang sinabi, “Ako'y tunay na nanibugho para sa Panginoon, sa Diyos ng mga hukbo; sapagkat pinabayaan ng mga anak ni Israel ang iyong tipan, ibinagsak ang iyong mga dambana, at pinatay ng tabak ang iyong mga propeta. At ako, ako lamang ang naiwan, at kanilang tinutugis ang buhay ko, upang patayin ito.”
15Sinabi#2 Ha. 8:7-13 ng Panginoon sa kanya, “Humayo ka, bumalik ka sa iyong dinaanan sa ilang ng Damasco. Pagdating mo, buhusan mo ng langis si Hazael upang maging hari sa Siria.
16Si#2 Ha. 9:1-6 Jehu na anak ni Nimsi ay iyong buhusan ng langis upang maging hari sa Israel; at si Eliseo na anak ni Shafat sa Abel-mehola ay iyong buhusan ng langis upang maging propeta na kapalit mo.
17Ang makakatakas sa tabak ni Hazael ay papatayin ni Jehu, at ang makatakas sa tabak ni Jehu ay papatayin ni Eliseo.
18Gayunma'y#Ro. 11:4 mag-iiwan ako ng pitong libo sa Israel, lahat ng tuhod na hindi pa lumuhod kay Baal, at bawat bibig na hindi pa humalik sa kanya.”
Si Eliseo ay Naging Kahalili ni Elias
19Kaya't umalis siya roon at natagpuan niya si Eliseo na anak ni Shafat na nag-aararo, na may labindalawang pares ng baka sa unahan niya, at siya'y kasabay ng ikalabindalawa. Dinaanan siya ni Elias at inihagis sa kanya ang kanyang balabal.
20Kanyang iniwan ang mga baka, patakbong sumunod kay Elias, at sinabi, “Hayaan mong hagkan ko ang aking ama at aking ina, pagkatapos ay susunod ako sa iyo.” At sinabi niya sa kanya, “Bumalik ka uli, sapagkat ano bang ginawa ko sa iyo?”
21At siya'y bumalik mula sa pagsunod sa kanya, at kinuha ang mga pares ng baka. Kanyang kinatay ang mga iyon at inilaga ang laman sa pamamagitan ng mga pamatok ng mga baka. Ibinigay niya iyon sa taong-bayan at kanilang kinain. Pagkatapos, tumindig siya at sumunod kay Elias, at naglingkod sa kanya.

Kasalukuyang Napili:

I MGA HARI 19: ABTAG01

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in