I MGA TAGA TESALONICA 4:1-8
I MGA TAGA TESALONICA 4:1-8 ABTAG01
Katapus-tapusan, mga kapatid, hinihiling namin sa inyo at nakikiusap kami sa Panginoong Jesus, yamang natutunan ninyo sa amin kung paano kayo dapat lumakad at magbigay-lugod sa Diyos, na tulad ng inyong ginagawa, ay gayon ang dapat ninyong gawin at higit pa. Sapagkat batid ninyo kung anong mga tagubilin ang ibinigay namin sa inyo sa pamamagitan ng Panginoong Jesus. Sapagkat ito ang kalooban ng Diyos, ang inyong pagpapakabanal: na kayo'y umiiwas sa pakikiapid; na ang bawat isa sa inyo'y matutong maging mapagpigil sa kanyang sariling katawan sa pagpapakabanal at karangalan, hindi sa pita ng kahalayan, na gaya ng mga Hentil na hindi nakakakilala sa Diyos; na sinuma'y huwag magkasala o manlamang sa kanyang kapatid sa bagay na ito, sapagkat ang Panginoon ay tagapaghiganti sa lahat ng mga bagay na ito, gaya ng aming sinabi noong una at ibinabala sa inyo. Sapagkat hindi tayo tinawag ng Diyos para sa karumihan kundi sa kabanalan. Kaya't ang tumanggi dito ay hindi tao ang tinatanggihan, kundi ang Diyos na nagbibigay sa amin ng kanyang Espiritu Santo.

