Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

II MGA CRONICA 2

2
Mga Paghahanda para sa Pagtatayo ng Templo
(1 Ha. 5:1-18)
1Si Solomon ay nagpasiyang magtayo ng templo para sa pangalan ng Panginoon, at ng isang maharlikang palasyo para sa kanyang sarili.
2Si Solomon ay nangalap ng pitumpung libong lalaki upang magbuhat ng mga pasan at walumpung libong lalaki upang tumibag ng bato sa maburol na lupain, at tatlong libo at animnaraan upang mamahala sa kanila.
3At si Solomon ay nagpasabi kay Huram na hari ng Tiro, “Kung ano ang iyong ginawa kay David na aking ama na pinadalhan mo ng mga sedro upang magtayo siya ng bahay na matitirahan, gayundin ang gawin mo sa akin.
4Malapit na akong magtayo ng bahay para sa pangalan ng Panginoon kong Diyos, at italaga ito sa kanya upang pagsunugan ng mabangong insenso sa harapan niya, at para sa palagiang handog na tinapay, at para sa mga handog na sinusunog sa umaga at hapon, sa mga Sabbath, sa mga bagong buwan, at sa mga takdang kapistahan ng Panginoon naming Diyos, gaya ng itinalaga magpakailanman para sa Israel.
5Ang bahay na aking itatayo ay magiging dakila sapagkat ang aming Diyos ay higit na dakila kaysa lahat ng mga diyos.
6Ngunit#1 Ha. 8:27; 2 Cro. 6:18 sinong makapagtatayo para sa kanya ng isang bahay, yamang sa langit, maging sa pinakamataas na langit ay hindi siya magkakasiya? Sino ako upang ipagtayo ko siya ng isang bahay, maliban sa isang dakong pagsusunugan ng insenso sa harapan niya?
7Ngayo'y padalhan mo ako ng isang lalaki na bihasang gumawa sa ginto, pilak, tanso, bakal, at sa kulay-ube, matingkad na pula, at asul na tela, na sanay rin sa pag-ukit, upang makasama ng mga bihasang manggagawang kasama ko sa Juda at sa Jerusalem, na inilaan ni David na aking ama.
8Padalhan mo rin ako ng mga kahoy na sedro, sipres, at algum na mula sa Lebanon, sapagkat alam ko na ang iyong mga lingkod ay marunong pumutol ng troso sa Lebanon. Ang aking mga lingkod ay makakasama ng iyong mga lingkod,
9upang ipaghanda ako ng napakaraming kahoy, sapagkat ang bahay na aking itatayo ay magiging dakila at kahanga-hanga.
10Ako'y magbibigay sa iyong mga lingkod na mga mamumutol ng kahoy ng dalawampung libong koro#2:10 o 120,000 bushel. ng binayong trigo, dalawampung libong koro,#2:10 o 120,000 bushel. ng sebada, dalawampung libong bat#2:10 o 100,000 galon. ng alak, at dalawampung libong bat#2:10 o 100,000 galon. ng langis.”
11Si Huram na hari ng Tiro ay sumagot sa sulat na kanyang ipinadala kay Solomon, “Sapagkat minamahal ng Panginoon ang kanyang bayan ay ginawa ka niyang hari sa kanila.”
12Sinabi rin ni Huram, “Purihin ang Panginoong Diyos ng Israel na gumawa ng langit at lupa na nagbigay kay Haring David ng isang pantas na anak, na pinagkalooban ng mahusay na pagpapasiya at pang-unawa, upang magtayo ng isang bahay para sa Panginoon, at ng isang maharlikang palasyo para sa kanyang sarili.
13At ngayo'y nagsugo ako ng isang bihasa at matalinong lalaki, si Huramabi,
14na anak ng isang babae sa mga anak ni Dan; at ang kanyang ama ay taga-Tiro. Siya ay sinanay sa paggawa sa ginto, pilak, tanso, bakal, bato at kahoy, at sa kulay-ube, asul, at sa matingkad na pula at pinong tela, at sa lahat ng uri ng pag-ukit at sa paggawa ng anumang palamuti na maaaring ipagawa sa kanya, kasama ng iyong mga bihasang manggagawa na mga manggagawa rin ng aking panginoong si David na iyong ama.
15Kaya't ngayon, ang trigo at sebada, ang langis at ang alak na binanggit ng aking panginoon ay ipadala niya sa kanyang mga lingkod.
16Aming puputulin ang gaano mang karaming troso na kailangan mo mula sa Lebanon, at aming dadalhin sa iyo na parang mga balsa na idaraan sa dagat hanggang sa Joppa, upang iyong madala sa Jerusalem.”
Pinasimulan ang Pagtatayo ng Templo
(1 Ha. 6:1-38)
17Pagkatapos ay binilang ni Solomon ang lahat ng mga dayuhan na nasa lupain ng Israel, ayon sa pagbilang na ginawa sa kanila ni David na kanyang ama; at iyon ay umabot ng isandaan limampu't tatlong libo at animnaraan.
18Pitumpung libo sa kanila ay kanyang itinalaga na tagabuhat ng pasan, walumpung libo na mga tagatibag ng bato sa maburol na lupain, at tatlong libo at animnaraan bilang kapatas upang mapagtrabaho ang taong-bayan.

Kasalukuyang Napili:

II MGA CRONICA 2: ABTAG01

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in