Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

II MGA CRONICA 9

9
Dumalaw ang Reyna ng Sheba
(1 Ha. 10:1-13)
1Nang#Mt. 12:42; Lu. 11:31 mabalitaan ng reyna ng Sheba ang katanyagan ni Solomon, siya'y pumunta sa Jerusalem upang siya'y subukin ng mahihirap na tanong, kasama ang maraming alalay, at mga kamelyo na may pasang mga pabango at napakaraming ginto at mga mamahaling bato. Nang siya'y dumating kay Solomon, sinabi niya sa kanya ang lahat ng nasa kanyang isipan.
2Sinagot ni Solomon ang lahat niyang mga tanong; walang bagay na nalingid kay Solomon na hindi niya maipaliwanag sa kanya.
3Nang makita ng reyna ng Sheba ang karunungan ni Solomon, ang bahay na kanyang itinayo,
4ang pagkain sa kanyang hapag, ang pagkakaupo ng kanyang mga pinuno, at ang pagsisilbi ng kanyang mga lingkod, at ang kanilang mga pananamit, ang kanyang mga tagahawak ng saro, at ang kanilang mga pananamit, at ang kanyang mga handog na sinusunog na kanyang iniaalay sa bahay ng Panginoon, ay hindi na siya halos makahinga.#9:4 Sa Hebreo ay wala ng espiritu sa kanya.
5Sinabi niya sa hari, “Totoo ang ulat na narinig ko sa aking sariling lupain tungkol sa iyong pamumuhay at karunungan,
6ngunit hindi ko pinaniwalaan ang mga ulat hanggang sa ako'y dumating at nakita ito ng aking sariling mga mata. Ang kalahati ng kalakhan ng iyong karunungan ay hindi nasabi sa akin; nahigitan mo pa ang ulat na aking narinig.
7Maliligaya ang iyong mga tauhan! Maliligaya itong iyong mga lingkod na patuloy na nakatayo sa harapan mo at naririnig ang iyong karunungan!
8Purihin ang Panginoon mong Diyos na nalugod sa iyo at inilagay ka sa kanyang trono, upang maging hari para sa Panginoon mong Diyos! Sapagkat minamahal ng iyong Diyos ang Israel at itatatag sila magpakailanman, ginawa ka niyang hari nila upang iyong igawad ang katarungan at katuwiran.”
9Kanyang binigyan ang hari ng isandaan at dalawampung talentong ginto, napakaraming mga pabango at mahahalagang bato. Walang gayong mga pabango na gaya ng ibinigay ng reyna ng Sheba kay Haring Solomon.
10Bukod doon, ang mga lingkod ni Huram at ang mga lingkod ni Solomon, na nagpadala ng ginto mula sa Ofir ay nagdala ng mga kahoy na algum at mga mamahaling bato.
11Ang hari ay gumawa ng mga hagdanan mula sa mga kahoy na algum para sa bahay ng Panginoon at para sa bahay ng hari, at ng mga alpa, at mga salterio para sa mga mang-aawit. Wala pang nakitang gaya ng mga iyon sa lupain ng Juda.
12Ibinigay ni Haring Solomon sa reyna ng Sheba ang lahat ng naisin niya, anumang hingin niya, na higit pang kapalit ng kanyang dinala sa hari. At siya'y bumalik at umuwi sa kanyang sariling lupain, kasama ang kanyang mga lingkod.
Ang Kayamanan ni Solomon
(1 Ha. 10:14-25)
13Ang timbang ng ginto na dumating kay Solomon sa loob ng isang taon ay animnaraan at animnapu't anim na talentong ginto,
14bukod pa sa dinala ng mga negosyante at mga mangangalakal; at ang lahat ng mga hari sa Arabia at ang mga tagapamahala ng lupain ay nagdala ng ginto at pilak kay Solomon.
15Si Haring Solomon ay gumawa ng dalawandaang kalasag na yari sa pinitpit na ginto; animnaraang siklo ng pinitpit na ginto ang ginamit sa bawat kalasag.
16Siya'y gumawa ng tatlong daang kalasag na yari sa pinitpit na ginto; tatlong daang siklong ginto ang ginamit sa bawat kalasag; at ang mga ito ay inilagay ng hari sa Bahay ng Gubat ng Lebanon.
17Gumawa rin ang hari ng isang malaking tronong garing, at binalot ng dalisay na ginto.
18Ang trono ay may anim na baytang at isang gintong tuntungan na nakakapit sa trono, at sa bawat tagiliran ng upuan ay ang mga patungan ng kamay at dalawang leon na nakatayo sa tabi ng mga patungan ng kamay,
19at may labindalawang leon na nakatayo roon, isa sa bawat dulo ng isang baytang sa ibabaw ng anim na baytang. Walang ginawang gaya noon sa alinmang kaharian.
20Ang lahat ng inuman ni Solomon ay ginto, at ang lahat ng sisidlan sa Bahay ng Gubat ng Lebanon ay dalisay na ginto; ang pilak ay hindi itinuturing na mahalaga sa mga araw ni Solomon.
21Sapagkat ang mga sasakyang-dagat ng hari ay nagtungo sa Tarsis na kasama ng mga lingkod ni Huram; minsan sa bawat tatlong taon ay dumarating ang mga sasakyang-dagat ng Tarsis na may dalang ginto, pilak, garing, mga unggoy, at mga pabo real.#9:21 o baboon.
22Sa gayon nakahigit si Haring Solomon sa lahat ng hari sa lupa sa kayamanan at sa karunungan.
23Lahat ng mga hari sa lupa ay nagnais na makaharap si Solomon upang makinig sa karunungan niya na ipinagkaloob ng Diyos sa kanya.
24Bawat isa sa kanila ay nagdala ng kanya-kanyang kaloob, mga bagay na yari sa pilak at ginto, mga damit, mira, mga pabango, mga kabayo, at mga mola, ganoon karami taun-taon.
25Kaya't#1 Ha. 4:26 si Solomon ay may apat na libong silungan ng kabayo at mga karwahe, at labindalawang libong mangangabayo, na kanyang inilagay sa mga bayan ng mga karwahe, at kasama ng hari sa Jerusalem.
26Siya'y#Gen. 15:18; 1 Ha. 4:21 namuno sa lahat ng mga hari mula sa Eufrates hanggang sa lupain ng mga Filisteo at sa hangganan ng Ehipto.
27Ginawa ng hari ang pilak sa Jerusalem na karaniwan gaya ng bato, at ang mga sedro na kasindami ng mga puno ng sikomoro ng Shefela.
28Ang#Deut. 17:16 mga kabayo ay inangkat para kay Solomon mula sa Ehipto at mula sa lahat ng mga lupain.
29Ang iba nga sa mga gawa ni Solomon, mula sa una hanggang katapusan, di ba nakasulat sa kasaysayan ni Natan na propeta, at sa propesiya ni Ahias na Shilonita, at sa mga pangitain ni Iddo na propeta tungkol kay Jeroboam na anak ni Nebat?
30Si Solomon ay naghari sa Jerusalem sa buong Israel sa loob ng apatnapung taon.
31At si Solomon ay natulog na kasama ng kanyang mga ninuno, at siya'y inilibing sa lunsod ni David na kanyang ama; at si Rehoboam na kanyang anak ay nagharing kapalit niya.

Kasalukuyang Napili:

II MGA CRONICA 9: ABTAG01

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in