na umaaliw sa atin sa lahat ng ating kapighatian, upang maaliw natin ang nasa anumang kapighatian, sa pamamagitan ng kaaliwan na inialiw sa atin ng Diyos.
Sapagkat kung paanong sumasagana sa atin ang mga pagdurusa ni Cristo, sa pamamagitan ni Cristo ay sumasagana rin sa atin ang kaaliwan.
Subalit kung kami man ay pinahihirapan, ito ay para sa inyong kaaliwan at kaligtasan; at kung kami ay inaaliw, ito ay para sa inyong kaaliwan, na inyong dinanas kapag kayo'y matiyagang nagtitiis ng gayunding paghihirap na aming dinaranas.
Ang aming pag-asa tungkol sa inyo ay matatag, sapagkat nalalaman namin na habang kayo'y karamay sa aming pagdurusa, kayo ay karamay din sa aming kaaliwan.
Hindi namin ibig na di ninyo malaman, mga kapatid, ang tungkol sa mga kapighatian na naranasan namin sa Asia, sapagkat lubha kaming nabigatan ng higit sa aming kaya, anupa't kami ay nawalan na ng pag-asang mabuhay.
Tunay na nadama namin na tinanggap na namin ang hatol na kamatayan, upang kami ay huwag magtiwala sa aming sarili, kundi sa Diyos na bumubuhay sa mga patay.
Siya na nagligtas sa amin mula sa kakilakilabot na kamatayan at patuloy na magliligtas; sa kanya ay inilalagak namin ang ating pag-asa na muli niya kaming ililigtas.
Dapat din ninyo kaming tulungan sa pamamagitan ng panalangin upang marami ang magpasalamat alang-alang sa amin para sa pagpapalang ipinagkaloob sa amin bilang kasagutan sa maraming mga panalangin.
Sapagkat ang aming ipinagmamalaki ay ito, ang patotoo ng aming budhi; kami ay namuhay ng wasto sa sanlibutan, at lalo na sa inyo, na may kapayakan at maka-Diyos na katapatan, hindi ayon sa karunungan ng laman, kundi sa biyaya ng Diyos.
Sapagkat hindi kami sumusulat sa inyo ng ibang mga bagay kundi kung ano ang inyong mababasa at mauunawaan; umaasa ako na lubos ninyong mauunawaan hanggang sa wakas.
Gaya ng inyong bahagyang pagkakilala sa amin, na kami ay inyong maipagmalaki gaya ninyo na aming ipinagmamalaki sa araw ng Panginoong Jesus.
Dahil sa pagtitiwalang ito, nais kong pumunta muna sa inyo, upang kayo'y magkaroon ng pangalawang biyaya.
Nais kong dalawin kayo sa aking paglalakbay patungong Macedonia, at buhat sa Macedonia ay bumalik sa inyo, at nang matulungan ninyo ako sa aking paglalakbay patungong Judea.
Ako kaya ay nag-aatubili nang naisin kong gawin ito? Ginagawa ko ba ang aking mga panukala na gaya ng taong makasanlibutan, na nagsasabi ng “Oo, oo” at gayundin ng “Hindi, hindi?”
Ngunit kung paanong ang Diyos ay tapat, ang aming sinasabi sa inyo ay hindi “Oo at Hindi.”
Sapagkat ang Anak ng Diyos, si Jesu-Cristo na ipinangaral namin sa inyo sa pamamagitan ko, ni Silvano at ni Timoteo, ay hindi “Oo at Hindi,” kundi sa kanya ay palaging “Oo.”
Sapagkat ang lahat ng mga pangako ng Diyos sa kanya ay “Oo.” Kaya't sa pamamagitan niya ay aming sinasambit ang “Amen,” sa ikaluluwalhati ng Diyos.