Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

EXODO 6

6
Inulit ng Diyos ang Kanyang Pangako
1Subalit sinabi ng Panginoon kay Moises, “Ngayo'y makikita mo kung ano ang gagawin ko kay Faraon, sapagkat sa pamamagitan ng makapangyarihang kamay ay kanyang paaalisin sila, at sa pamamagitan ng isang makapangyarihang kamay ay kanyang palalayasin sila sa kanyang lupain.”
2Sinabi#Gen. 17:1; 28:3; 35:11; Exo. 3:13-15 ng Diyos kay Moises, “Ako ang Panginoon.
3Ako'y nagpakita kay Abraham, kay Isaac, at kay Jacob bilang Diyos na Makapangyarihan sa lahat;#6:3 Sa Hebreo ay El Shaddai. ngunit hindi ako nagpakilala sa kanila sa pamamagitan ng aking pangalang ‘Ang Panginoon’.#6:3 Sa Hebreo ay Yahweh.
4Akin ding itinatag ang aking tipan sa kanila na ibibigay ko sa kanila ang lupain ng Canaan, ang lupain na kung saan sila'y nakipanirahan.
5Bukod dito'y aking narinig ang daing ng mga anak ni Israel na inaalipin ng mga Ehipcio at aking naalala ang aking tipan.
6Kaya't sabihin mo sa mga anak ni Israel, ‘Ako ang Panginoon at aking ilalabas kayo sa ilalim ng mga pasanin ng mga Ehipcio, at aking hahanguin kayo sa pagkaalipin sa kanila, at aking tutubusin kayo na may nakaunat na kamay at may mga dakilang kahatulan.
7Kayo'y aking aariing aking bayan at ako'y magiging Diyos ninyo at inyong malalaman na ako'y Panginoon ninyong Diyos na nagpalaya sa inyo sa pagpapahirap ng mga Ehipcio.
8Dadalhin ko kayo sa lupain na aking ipinangakong ibibigay kina Abraham, Isaac, at Jacob; at aking ibibigay ito sa inyo bilang pamana. Ako ang Panginoon.’”
9Gayon ang sinabi ni Moises sa mga anak ni Israel; subalit hindi sila nakinig kay Moises dahil sa panlulupaypay at sa malupit na pagkaalipin.
10Ang Panginoon ay nagsalita kay Moises,
11“Pumasok ka, sabihin mo kay Faraon na hari ng Ehipto na kanyang pahintulutang umalis sa lupain niya ang mga anak ni Israel.”
12Ngunit si Moises ay nagsalita sa Panginoon, “Ang mga anak ni Israel ay hindi nakinig sa akin; paano ngang makikinig si Faraon sa akin, ako na isang di-mahusay na tagapagsalita?”#6:12 Sa Hebreo ay may mga labing di-tuli.
13Subalit ang Panginoon ay nagsalita kay Moises at kay Aaron, at pinagbilinan sila tungkol sa mga anak ni Israel, at kay Faraon na hari ng Ehipto, upang ilabas ang mga anak ni Israel sa lupain ng Ehipto.
14Ito ang mga puno sa mga sambahayan ng kanilang mga ninuno: ang mga anak ni Ruben na panganay ni Israel: si Hanoc, si Fallu, si Hesron, at si Carmi. Ito ang mga angkan ni Ruben.
15Ang mga anak ni Simeon: si Jemuel, si Jamin, si Ohad, si Jakin, si Zohar, at si Shaul na anak sa isang babaing taga-Canaan; ito ang mga angkan ni Simeon.
16Ito#Bil. 3:17-20; 26:57, 58; 1 Cro. 6:16-19 ang mga pangalan ng mga anak ni Levi ayon sa kanilang salinlahi: si Gershon, si Kohat, at si Merari, at ang mga naging taon ng buhay ni Levi ay isang daan at tatlumpu't pitong taon.
17Ang mga anak ni Gershon: sina Libni at Shimei, ayon sa kani-kanilang angkan.
18Ang mga anak ni Kohat: sina Amram, Izar, Hebron, at Uziel, ang mga naging taon ng buhay ni Kohat ay isang daan at tatlumpu't tatlong taon.
19Ang mga anak ni Merari: sina Mahli at Musi. Ito ang mga sambahayan ng mga Levita ayon sa kanilang salinlahi.
20Naging asawa ni Amram si Jokebed na kapatid na babae ng kanyang ama, at ipinanganak nito sa kanya si Aaron at si Moises, at ang mga naging taon ng buhay ni Amram ay isang daan at tatlumpu't pitong taon.
21Ang mga anak ni Izar: si Kora, si Nefeg, at si Zicri.
22Ang mga anak ni Uziel: sina Misael, Elzafan, at Sitri.
23Naging asawa ni Aaron si Eliseba, na anak ni Aminadab, na kapatid na babae ni Naashon; at ipinanganak nito sa kanya sina Nadab, Abihu, Eleazar, at Itamar.
24Ang mga anak ni Kora: sina Asir, Elkana, at Abiasaf; ito ang mga angkan ng mga Korahita.
25Si Eleazar na anak ni Aaron ay nakapag-asawa sa isa sa mga anak ni Putiel; at ipinanganak nito si Finehas. Ito ang mga ulo sa mga sambahayan ng mga ama ng mga Levita ayon sa kanilang mga angkan.
26Ang mga ito'y ang Aaron at Moises na siyang pinagbilinan ng Panginoon: “Ilabas ninyo ang mga anak ni Israel sa lupain ng Ehipto ayon sa kanilang mga hukbo.”
27Sila ang mga nagsalita kay Faraon na hari ng Ehipto, upang ilabas ang mga anak ni Israel sa Ehipto, ang Moises at ang Aaron na ito.
28At nang araw na magsalita ang Panginoon kay Moises sa lupain ng Ehipto,
29nagsalita ang Panginoon kay Moises, “Ako ang Panginoon; sabihin mo kay Faraon na hari ng Ehipto ang lahat ng aking sinasabi sa iyo.”
30Ngunit sinabi ni Moises sa Panginoon, “Yamang ako'y di-mahusay magsalita,#6:30 Sa Hebreo ay may mga labing di-tuli. bakit makikinig si Faraon sa akin?”

Kasalukuyang Napili:

EXODO 6: ABTAG01

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in