Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

ISAIAS 48

48
Pahayag sa mga Bagay na Darating
1Pakinggan mo ito, O sambahayan ni Jacob,
na tinatawag sa pangalan ng Israel,
at lumabas mula sa balakang ng Juda;
na sumumpa sa pangalan ng Panginoon,
at nagpahayag sa Diyos ng Israel,
ngunit hindi sa katotohanan, o sa katuwiran man.
2(Sapagkat tinatawag nila ang kanilang mga sarili ayon sa lunsod na banal,
at nagtiwala sa Diyos ng Israel;
ang Panginoon ng mga hukbo ang kanyang pangalan).
3“Aking ipinahayag ang mga dating bagay mula nang una,
iyon ay lumabas sa aking bibig, at aking ipinakilala;
at bigla kong ginawa at ang mga iyon ay nangyari.
4Sapagkat alam ko, na ikaw ay mapagmatigas,
at ang iyong leeg ay parang litid na bakal,
at ang iyong noo ay parang tanso,
5aking ipinahayag sa iyo mula nang una;
bago nangyari ay ipinaalam ko sa iyo,
baka iyong sabihin, ‘Mga diyus-diyosan ko ang gumawa ng mga ito,
ang aking larawang inanyuan at ang aking larawang hinulma, ang nag-utos sa kanila.’
6“Iyong narinig; ngayo'y tingnan mong lahat ito;
at hindi mo ba ipahahayag?
Mula sa panahong ito ay magpaparinig ako sa iyo ng mga bagong bagay,
mga kubling bagay na hindi mo pa nalalaman.
7Ang mga ito ay nilikha ngayon, at hindi noong una;
bago dumating ang araw na ito ay hindi mo pa iyon narinig;
baka iyong sabihin, ‘Aking nalaman ang mga ito.’
8Oo, hindi mo pa narinig, hindi mo pa nalalaman;
mula nang una ang iyong pandinig ay hindi pa nabuksan.
Sapagkat alam ko na ikaw ay gagawa ng may kataksilan,
at tinawag na suwail mula sa iyong pagsilang.
9“Alang-alang sa aking pangalan ay iniurong ko ang galit ko,
at dahil sa kapurihan ko ay pinigil ko iyon para sa iyo,
upang hindi kita ihiwalay.
10Dinalisay kita, ngunit hindi tulad ng pilak;
sinubok kita sa hurno ng kapighatian.
11Alang-alang sa akin, alang-alang sa akin, aking gagawin iyon;
sapagkat paanong lalapastanganin ang aking pangalan?
At ang kaluwalhatian ko sa iba'y di ko ibinigay.
Si Ciro ang Pinunong Pinili ng Panginoon
12“Makinig#Isa. 44:6; Apoc. 1:17; 22:13 ka sa akin, O Jacob,
at Israel na tinawag ko;
ako nga; ako ang una,
ako rin ang huli.
13Ang aking kamay ang siyang naglagay ng pundasyon ng lupa,
at ang aking kanan ang siyang nagladlad ng mga langit;
kapag ako'y tumatawag sa kanila,
sila'y nagsisitayong magkakasama.
14“Kayo'y magtipon, kayong lahat, at pakinggan ninyo!
Sino sa kanila ang nagpahayag ng mga bagay na ito?
Minamahal siya ng Panginoon;
kanyang tutuparin ang kanyang mabuting hangarin sa Babilonia,
at ang kanyang kamay ay magiging laban sa mga Caldeo.
15Ako, ako nga'y nagsalita; oo, aking tinawag siya;
aking dinala siya, at kanyang pagtatagumpayin ang mga lakad niya.
16Kayo'y lumapit sa akin, pakinggan ninyo ito:
mula sa pasimula ay hindi ako nagsalita ng lihim,
mula nang panahon na nangyari ito ay naroon na ako.”
At ngayo'y sinugo ako ng Panginoong Diyos at ng kanyang Espiritu.
Ang Plano ng Diyos sa Kanyang Bayan
17Ganito ang sabi ng Panginoon,
ng inyong Manunubos, ang Banal ng Israel:
“Ako ang Panginoon mong Diyos,
na nagtuturo sa iyo para sa iyong kapakinabangan,
na pumapatnubay sa iyo sa daan na dapat mong lakaran.
18O kung dininig mo sana ang aking mga utos!
Ang iyong kapayapaan sana ay naging parang ilog,
at ang iyong katuwiran ay parang mga alon sa dagat.
19Ang iyong lahi sana ay naging parang buhangin
at ang iyong mga supling ay parang mga butil niyon;
ang kanilang pangalan ay hindi tatanggalin
o mawawasak man sa harapan ko.”
20Kayo'y#Apoc. 18:4 lumabas sa Babilonia, tumakas kayo sa Caldea,
ipahayag ninyo ito sa tinig ng sigaw ng kagalakan, ipahayag ninyo ito,
ibalita ninyo hanggang sa dulo ng lupa;
inyong sabihin, “Tinubos ng Panginoon si Jacob na kanyang lingkod!”
21At sila'y hindi nauhaw nang patnubayan niya sila sa mga ilang;
kanyang pinaagos ang tubig mula sa bato para sa kanila;
kanyang nilagyan ng guwang ang bato, at ang tubig ay bumukal.
22“Walang#Isa. 57:21 kapayapaan para sa masama,” sabi ng Panginoon.

Kasalukuyang Napili:

ISAIAS 48: ABTAG01

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in