Kabilang sa mga umahon upang sumamba sa kapistahan ay ilang mga Griyego.
Ang mga ito'y lumapit kay Felipe, na taga-Bethsaida ng Galilea, at sinabi sa kanya, “Ginoo, ibig sana naming makita si Jesus.”
Umalis si Felipe at sinabi kay Andres. Sumama si Andres kay Felipe, at kanilang sinabi kay Jesus.
Sinagot sila ni Jesus, “Dumating na ang oras upang ang Anak ng Tao ay luwalhatiin.
Katotohanang sinasabi ko sa inyo, maliban na ang butil ng trigo ay mahulog sa lupa at mamatay, ito ay mananatiling nag-iisa. Ngunit kung ito'y mamatay, ay nagbubunga ng marami.
Ang umiibig sa kanyang buhay ay mawawalan nito, at ang napopoot sa kanyang buhay sa sanlibutang ito ay maiingatan ito para sa buhay na walang hanggan.
Kung ang sinuman ay maglilingkod sa akin ay dapat sumunod sa akin, at kung saan ako naroroon, ay naroroon din ang lingkod ko. Kung ang sinuman ay maglilingkod sa akin, siya'y pararangalan ng Ama.
“Ngayon ay nababagabag ang aking kaluluwa. At ano ang aking sasabihin? ‘Ama, iligtas mo ako sa oras na ito?’ Ngunit dahil dito ay dumating ako sa oras na ito.
Ama, luwalhatiin mo ang iyong pangalan.” At dumating ang isang tinig mula sa langit, “Niluwalhati ko na, at muli kong luluwalhatiin.”
Narinig ito ng maraming taong nakatayo roon at sinabi nilang kumulog. Sinabi naman ng iba na, “Isang anghel ang nakipag-usap sa kanya.”
Sumagot si Jesus, “Ang tinig na ito'y dumating para sa inyo, hindi para sa akin.
Ngayon ang paghatol sa sanlibutang ito. Ngayon ang pinuno ng sanlibutang ito ay palalayasin.
At ako, kapag ako'y itinaas na mula sa lupa, ang lahat ng mga tao ay papalapitin ko sa aking sarili.”
Ito'y sinabi niya, upang ipahiwatig kung sa anong uri ng kamatayan ang ikamamatay niya.
Sinagot siya ng mga tao, “Aming narinig mula sa kautusan na ang Cristo ay nananatili magpakailanman. Paano mong nasabi na ang Anak ng Tao ay kailangang itaas? Sino itong Anak ng Tao?”
Kaya't sinabi sa kanila ni Jesus, “Ang ilaw ay kasama ninyo ng kaunti pang panahon. Kayo'y lumakad habang nasa inyo ang ilaw, upang huwag kayong abutin ng dilim. Ang lumalakad sa dilim ay hindi nalalaman kung saan siya tutungo.
Samantalang nasa inyo ang ilaw, sumampalataya kayo sa ilaw, upang kayo'y maging mga anak ng ilaw.” Nang masabi ni Jesus ang mga bagay na ito siya'y umalis at nagtago sa kanila.
Bagama't gumawa siya sa harapan nila ng maraming mga tanda, sila ay hindi naniwala sa kanya;
upang matupad ang sinabi ni propeta Isaias:
“Panginoon, sino ang naniwala sa aming balita?
At kanino nahayag ang bisig ng Panginoon?”
Kaya't hindi sila makapaniwala, sapagkat sinabi rin ni Isaias,
“Binulag niya ang kanilang mga mata,
at pinatigas niya ang kanilang mga puso;
upang sila'y huwag makakita sa pamamagitan ng kanilang mga mata,
at makaunawa sa pamamagitan ng kanilang puso, at magbalik-loob,
at sila'y pagalingin ko.”
Ang mga bagay na ito'y sinabi ni Isaias, sapagkat nakita niya ang kanyang kaluwalhatian, at nagsalita tungkol sa kanya.
Gayunman, maging sa mga pinuno ay maraming sumampalataya sa kanya; subalit dahil sa takot sa mga Fariseo ay hindi nila ito ipinahayag, baka sila'y mapalayas sa sinagoga,
sapagkat inibig nila ang papuri ng mga tao kaysa papuri ng Diyos.
Si Jesus ay sumigaw at nagsabi, “Ang sumasampalataya sa akin ay hindi sa akin sumasampalataya, kundi doon sa nagsugo sa akin.
At ang nakakita sa akin ay nakakita doon sa nagsugo sa akin.
Ako'y naparito na isang ilaw sa sanlibutan, upang ang sinumang sumampalataya sa akin ay huwag manatili sa kadiliman.
Kung ang sinuman ay nakikinig sa aking mga salita, at hindi tumutupad ng mga iyon ay hindi ko siya hinahatulan, sapagkat hindi ako naparito upang humatol sa sanlibutan, kundi upang iligtas ang sanlibutan.
Ang nagtatakuwil sa akin at hindi tumatanggap sa aking mga salita ay mayroong isang humahatol sa kanya. Ang salitang aking sinabi ang siyang hahatol sa kanya sa huling araw.
Sapagkat ako'y hindi nagsasalita mula sa aking sarili kundi ang Ama na nagsugo sa akin ay siyang nagbigay sa akin ng utos, kung ano ang dapat kong sabihin, at kung ano ang dapat kong bigkasin.
Nalalaman ko na ang kanyang utos ay buhay na walang hanggan. Kaya't ang mga bagay na sinasabi ko ay aking sinasabi ayon sa sinabi ng Ama.”