JOSUE 3:1-13
JOSUE 3:1-13 ABTAG01
Kinaumagahan, maagang bumangon si Josue at kasama ang lahat ng mga anak ni Israel ay umalis sa Shittim at dumating sa Jordan. Sila'y nagkampo muna doon bago tumawid. Pagkatapos ng tatlong araw, ang mga pinuno ay dumaan sa gitna ng kampo; at iniutos nila sa taong-bayan, na sinasabi, “Kapag nakita ninyo ang kaban ng tipan ng Panginoon ninyong Diyos na dala ng mga paring Levita, ay aalis kayo sa inyong kinaroroonan. Susundan ninyo iyon upang malaman ninyo ang daan na nararapat ninyong paroonan; sapagkat hindi pa ninyo nadadaanan ang daang ito noong una. Gayunma'y magkakaroon ng agwat sa pagitan ninyo at sa kaban ng may dalawang libong siko ang sukat. Huwag kayong lalapit nang higit na malapit roon.” At sinabi ni Josue sa bayan, “Magpakabanal kayo; sapagkat bukas ay gagawa ng mga kababalaghan ang Panginoon sa inyo.” At nagsalita si Josue sa mga pari, “Buhatin ninyo ang kaban ng tipan at mauna kayo sa bayan.” At kanilang binuhat ang kaban ng tipan, at nauna sa bayan. At sinabi ng Panginoon kay Josue, “Sa araw na ito ay pasisimulan kong gawing dakila ka sa paningin ng buong Israel, upang kanilang makilala na kung paanong ako'y kasama ni Moises ay gayon ako sa iyo. Iyong uutusan ang mga pari na nagdadala ng kaban ng tipan, na sinasabi, ‘Kapag kayo'y dumating sa tabi ng tubig ng Jordan ay tumigil kayo sa Jordan.’” Sinabi ni Josue sa mga anak ni Israel, “Lumapit kayo at dinggin ninyo ang mga salita ng Panginoon ninyong Diyos.” At sinabi ni Josue, “Sa ganito ay inyong makikilala na ang buháy na Diyos ay kasama ninyo, at walang pagsalang kanyang itataboy sa harapan ninyo ang mga Cananeo, Heteo, Heveo, Perezeo, Gergeseo, Amoreo, at ang Jebuseo. Narito ang kaban ng tipan ng Panginoon ng buong lupa ay mauuna sa inyo sa Jordan. Ngayon ay kumuha kayo ng labindalawang lalaki sa mga lipi ni Israel, isang lalaki sa bawat lipi. Kapag ang mga talampakan ng mga paa ng mga pari na nagdadala ng kaban ng Panginoon, ang Panginoon ng buong lupa, ay tumuntong sa tubig ng Jordan, ang tubig ng Jordan ay hihinto sa pag-agos, maging ang tubig na bumababang mula sa itaas; at ang mga ito ay tatayo na isang bunton.”

