Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

JOSUE 4

4
Inilagay ang mga Batong Alaala
1At nangyari, nang ganap nang nakatawid sa Jordan ang buong bansa, sinabi ng Panginoon kay Josue,
2“Kumuha ka ng labindalawang lalaki sa bayan, isa sa bawat lipi,
3at iutos ninyo sa kanila, ‘Kumuha kayo ng labindalawang bato mula rito sa gitna ng Jordan, mula sa dakong matatag na tinatayuan ng mga paa ng mga pari at dalhin ninyo at ilapag sa dakong tinigilan ninyo sa gabing ito.’”
4Kaya't tinawag ni Josue ang labindalawang lalaki na kanyang inihanda sa mga anak ni Israel, isang lalaki sa bawat lipi.
5At sinabi ni Josue sa kanila, “Dumaan kayo sa harapan ng kaban ng Panginoon ninyong Diyos sa gitna ng Jordan. Pasanin ng bawat isa sa inyo ang isang bato sa kanyang balikat, ayon sa bilang ng mga lipi ng mga anak ni Israel;
6upang ito'y maging isang tanda sa gitna ninyo, na kapag itinanong ng inyong mga anak sa panahong darating, ‘Anong kahulugan sa inyo ng mga batong ito?’
7Inyo ngang sasabihin sa kanila, sapagkat ang tubig ng Jordan ay nahawi sa harapan ng kaban ng tipan ng Panginoon; nang iyon ay dumaan sa Jordan ay nahawi ang tubig ng Jordan; at ang mga batong ito ay magiging alaala sa mga anak ni Israel magpakailanman.”
8Ginawa ng mga anak ni Israel ang ayon sa iniutos ni Josue, at pumasan ng labindalawang bato mula sa gitna ng Jordan, gaya ng sinabi ng Panginoon kay Josue, ayon sa bilang ng mga lipi ng mga anak ni Israel; at kanilang dinala sa dakong kanilang tutuluyan, at inilapag ang mga iyon doon.
9At si Josue ay nagpasalansan ng labindalawang bato sa gitna ng Jordan, sa dakong tinayuan ng mga paa ng mga pari na nagdadala ng kaban ng tipan, at ang mga iyon ay naroon hanggang sa araw na ito.
10Ang mga pari na nagdadala ng kaban ay tumayo sa gitna ng Jordan, hanggang sa natapos sabihin ni Josue sa bayan ang bawat bagay na iniutos ng Panginoon ayon sa lahat ng iniutos ni Moises kay Josue; at ang bayan ay tumawid na nagmamadali.
11Nang ganap nang nakatawid ang buong bayan, ang kaban ng Panginoon at ang mga pari ay itinawid sa harapan ng bayan.
12Ang mga anak ni Ruben, at ang mga anak ni Gad, at ang kalahating lipi ni Manases, ay tumawid na may sandata sa harapan ng mga anak ni Israel, gaya ng sinabi ni Moises sa kanila.
13May apatnapung libo na may sandata sa pakikidigma ang tumawid sa harapan ng Panginoon na patungo sa pakikibaka sa mga kapatagan ng Jerico.
14Nang araw na iyon ay dinakila ng Panginoon si Josue sa paningin ng buong Israel; at sila'y gumalang sa kanya, gaya ng kanilang paggalang kay Moises sa lahat ng mga araw ng kanyang buhay.
15Ang Panginoon ay nagsalita kay Josue, na sinasabi,
16“Iutos mo sa mga pari na nagdadala ng kaban ng patotoo na sila'y umahon mula sa Jordan.”
17Kaya't nag-utos si Josue sa mga pari, “Umahon kayo mula sa Jordan.”
18Nang umahon mula sa gitna ng Jordan ang mga pari na nagdadala ng kaban ng tipan ng Panginoon, at nang tumuntong sa tuyong lupa ang mga talampakan ng mga paa ng mga pari, ang tubig ng Jordan ay bumalik sa kanilang lugar at umapaw sa pampang na gaya ng dati.
19Ang bayan ay umahon mula sa Jordan nang ikasampung araw ng unang buwan, at humimpil sa Gilgal, sa hangganang silangan ng Jerico.
20Ang labindalawang bato na kanilang kinuha sa Jordan ay isinalansan ni Josue sa Gilgal.
21At siya'y nagsalita sa mga anak ni Israel, “Kapag itinanong ng inyong mga anak sa kanilang mga magulang sa panahong darating, ‘Anong kahulugan ng mga batong ito?’
22Inyo ngang ipapaalam sa mga anak ninyo, na sinasabi, ‘Ang Israel ay tumawid sa Jordang ito sa tuyong lupa.’
23Sapagkat tinuyo ng Panginoon ninyong Diyos ang tubig ng Jordan sa harapan ninyo, hanggang sa kayo'y nakatawid, gaya ng ginawa ng Panginoon ninyong Diyos sa Dagat na Pula, na kanyang tinuyo para sa amin hanggang sa kami ay nakatawid;
24upang makilala ng lahat ng mga bayan sa lupa na makapangyarihan ang kamay ng Panginoon, upang sila'y matakot sa Panginoon ninyong Diyos magpakailanman.

Kasalukuyang Napili:

JOSUE 4: ABTAG01

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in