Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

MATEO 25

25
Ang Talinghaga tungkol sa Sampung Birhen
1“Ang#Lu. 12:35 kaharian ng langit ay maihahambing sa sampung birhen na kumuha ng kanilang mga ilawan at lumabas upang salubungin ang lalaking ikakasal.
2Ang lima sa kanila'y mga hangal at ang lima'y matatalino.
3Sapagkat nang kunin ng mga hangal ang kanilang mga ilawan, ay hindi sila nagdala ng langis.
4Ngunit ang matatalino ay nagdala ng langis sa mga lalagyan na kasama ng kanilang mga ilawan.
5Samantalang naaantala pa ang lalaking ikakasal ay inantok silang lahat at nakatulog.
6Subalit nang hatinggabi na ay may sumigaw, ‘Narito na ang lalaking ikakasal! Lumabas kayo upang salubungin siya.’
7Bumangon lahat ang mga birheng iyon at iniayos ang kanilang mga ilawan.
8At sinabi ng mga hangal sa matatalino, ‘Bigyan ninyo kami ng inyong langis, sapagkat namamatay na ang aming mga ilawan.’
9Ngunit sumagot ang matatalino na nagsasabi, ‘Maaaring hindi sapat para sa amin at para sa inyo. Kaya't pumunta kayo sa mga nagtitinda at bumili kayo ng para sa inyo.’
10At habang pumupunta sila upang bumili, dumating ang lalaking ikakasal. Ang mga nakapaghanda ay pumasok na kasama niya sa piging ng kasalan; at isinara ang pintuan.
11Pagkatapos#Lu. 13:25 ay dumating naman ang ibang mga birhen, na nagsasabi, ‘Panginoon, Panginoon, pagbuksan mo kami.’
12Ngunit sumagot siya at sinabi, ‘Katotohanang sinasabi ko sa inyo, hindi ko kayo nakikilala.’
13Kaya maging handa kayo, sapagkat hindi ninyo nalalaman ang araw o ang oras.
Ang Talinghaga tungkol sa mga Talento
(Lu. 19:11-27)
14“Sapagkat#Lu. 19:11-27 tulad sa isang tao na maglalakbay, tinawag niya ang kanyang sariling mga alipin, at ipinagkatiwala sa kanila ang kanyang mga ari-arian.
15Ang isa ay binigyan niya ng limang talento,#25:15 Ang isang talento ay katumbas ng higit sa labinlimang taong sahod ng manggagawa. ang isa ay dalawa, at ang isa ay isa; sa bawat isa'y ayon sa kanyang kakayahan. Pagkatapos ay humayo na siya sa paglalakbay.
16Ang tumanggap ng limang talento ay umalis kaagad at ipinangalakal niya ang mga iyon, at nakinabang siya ng lima pang talento.
17Gayundin, ang tumanggap ng dalawa ay nakinabang pa ng dalawa.
18Subalit ang tumanggap ng isa ay umalis at humukay sa lupa, at itinago ang salapi ng kanyang panginoon.
19Pagkalipas ng mahabang panahon, dumating ang panginoon ng mga aliping iyon, at nakipag-ayos sa kanila.
20Ang tumanggap ng limang talento ay lumapit at nagdala ng lima pang talento, na nagsasabi, ‘Panginoon, binigyan mo ako ng limang talento. Heto, ako'y nakinabang ng lima pang talento.’
21Sinabi sa kanya ng panginoon niya, ‘Magaling! Mabuti at tapat na alipin. Naging tapat ka sa kaunting bagay, pamamahalain kita sa maraming bagay. Pumasok ka sa kagalakan ng iyong panginoon.’
22At lumapit din ang tumanggap ng dalawang talento at sinabi niya, ‘Panginoon, binigyan mo ako ng dalawang talento. Heto, ako'y nakinabang ng dalawa pang talento.’
23Sinabi sa kanya ng panginoon niya, ‘Magaling! Mabuti at tapat na alipin. Naging tapat ka sa kaunting bagay, pamamahalain kita sa maraming bagay. Pumasok ka sa kagalakan ng iyong panginoon.’
24At lumapit din ang tumanggap ng isang talento at sinabi niya, ‘Panginoon, alam kong ikaw ay taong malupit, na gumagapas ka roon sa hindi mo hinasikan, at nagtitipon ka roon sa hindi mo kinalatan ng binhi.
25Kaya ako'y natakot at ako'y umalis at itinago ko sa lupa ang talento mo. Heto, iyo na ang sa iyo.’
26Ngunit sumagot ang kanyang panginoon at sinabi sa kanya, ‘Ikaw na masama at tamad na alipin! Alam mo palang ako'y gumagapas sa hindi ko hinasikan, at nagtitipon sa hindi ko kinalatan ng binhi.
27Dapat sana'y inilagak mo ang aking salapi sa mga mangangalakal ng salapi, at nang sa aking pagdating ay matanggap ko kung ano ang akin pati na ang pakinabang.
28Kaya't kunin ninyo sa kanya ang talento, at ibigay ninyo sa kanya na may sampung talento.
29Sapagkat#Mt. 13:12; Mc. 4:25; Lu. 8:18 ang bawat mayroon ay bibigyan at siya'y magkakaroon ng kasaganaan, ngunit ang wala, pati ang nasa kanya ay kukunin.
30At#Mt. 8:12; 22:13; Lu. 13:28 ang aliping walang pakinabang ay itapon ninyo sa kadiliman sa labas. Doon ay magkakaroon ng pagtangis at pagngangalit ng mga ngipin.’
Ang Paghuhukom sa mga Bansa
31“Kapag#Mt. 16:27; Mt. 19:28 dumating na ang Anak ng Tao na nasa kanyang kaluwalhatian, na kasama niya ang lahat ng mga anghel, siya'y uupo sa trono ng kanyang kaluwalhatian.
32At titipunin sa harapan niya ang lahat ng mga bansa at kanyang pagbubukud-bukurin ang mga tao#25:32 Sa Griyego ay sila. na gaya ng pagbubukud-bukod ng pastol sa mga tupa at sa mga kambing,
33at ilalagay niya ang mga tupa sa kanyang kanan, subalit ang mga kambing ay sa kaliwa.
34Pagkatapos ay sasabihin ng Hari sa mga nasa kanyang kanan, ‘Halikayo, mga pinagpala ng aking Ama, manahin ninyo ang kahariang inihanda para sa inyo mula sa pagkatatag ng sanlibutan.
35Sapagkat ako'y nagutom at binigyan ninyo ako ng pagkain. Ako'y nauhaw, at binigyan ninyo ako ng inumin. Ako'y taga-ibang bayan, at ako'y inyong pinatuloy.
36Ako'y naging hubad at inyong dinamitan. Ako'y nagkasakit at ako'y inyong dinalaw. Ako'y nabilanggo at ako'y inyong pinuntahan.’
37Pagkatapos ay sasagutin siya ng mga matuwid, na nagsasabi, ‘Panginoon, kailan ka namin nakitang gutom, at pinakain ka namin, o uhaw, at binigyan ka ng inumin?
38Kailan ka namin nakitang isang taga-ibang bayan at pinatuloy ka, o hubad, at dinamitan ka?
39At kailan ka namin nakitang maysakit, o nasa bilangguan, at dinalaw ka namin?’
40At sasagot ang Hari at sasabihin sa kanila, ‘Katotohanang sinasabi ko sa inyo, yamang ginawa ninyo ito sa isa sa pinakamaliit sa mga kapatid kong ito, ay sa akin ninyo ginawa.’
41Pagkatapos ay sasabihin niya sa mga nasa kaliwa, ‘Lumayo kayo sa akin, kayong mga sinumpa. Doon kayo sa apoy na walang hanggan na inihanda sa diyablo at sa kanyang mga anghel.
42Sapagkat ako'y nagutom, at hindi ninyo ako binigyan ng pagkain. Ako'y nauhaw, at hindi ninyo binigyan ng inumin.
43Ako'y taga-ibang bayan, at hindi ninyo ako pinatuloy. Hubad, at hindi ninyo ako dinamitan; maysakit at nasa bilangguan, at hindi ninyo dinalaw.’
44Pagkatapos ay sasagot din sila, na nagsasabi, ‘Panginoon, kailan ka namin nakitang gutom, o uhaw, o isang taga-ibang bayan, o hubad, o maysakit, o nasa bilangguan, at hindi ka namin pinaglingkuran?’
45At sila'y sasagutin niya, na nagsasabi, ‘Katotohanang sinasabi ko sa inyo, yamang hindi ninyo ito ginawa sa isa sa pinakamaliliit na ito, ay hindi ninyo ito ginawa sa akin.’
46At#Dan. 12:2 ang mga ito'y mapupunta sa walang hanggang kaparusahan, ngunit ang mga matuwid ay sa buhay na walang hanggan.”

Kasalukuyang Napili:

MATEO 25: ABTAG01

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in