Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

MATEO 26:3-16

MATEO 26:3-16 ABTAG01

Pagkatapos nito ang mga punong pari at ang matatanda sa bayan ay nagkatipon sa palasyo ng pinakapunong pari, na tinatawag na Caifas. At sila'y nagsabwatan upang hulihin si Jesus sa pamamagitan ng daya, at patayin siya. Ngunit sinabi nila, “Huwag sa kapistahan, baka magkagulo ang mga taong-bayan.” Nang si Jesus ay nasa Betania, sa bahay ni Simon na ketongin, lumapit sa kanya ang isang babae na may dalang isang sisidlang alabastro na may lamang mamahaling pabango at ibinuhos sa kanyang ulo, habang siya'y nakaupo sa may hapag. Subalit nang makita ito ng mga alagad, ay nagalit sila, na nagsasabi, “Anong layunin ng pag-aaksayang ito? Sapagkat maipagbibili sana ito sa malaking halaga, at maibibigay sa mga dukha.” Ngunit nang malaman ni Jesus ay sinabi niya sa kanila, “Bakit ninyo ginugulo ang babae? Sapagkat gumawa siya sa akin ng isang mabuting bagay. Sapagkat lagi ninyong kasama ang mga dukha, ngunit ako'y hindi ninyo laging makakasama. Sapagkat sa pagbubuhos niya ng pabangong ito sa aking katawan, ginawa niya iyon upang ihanda ako sa paglilibing. Katotohanang sinasabi ko sa inyo, saan man ipangaral ang magandang balitang ito sa buong sanlibutan, ang ginawa ng babaing ito ay sasaysayin bilang pag-alaala sa kanya.” Pagkatapos, isa sa labindalawa, na tinatawag na Judas Iscariote ang nagpunta sa mga punong pari, at nagsabi, “Anong ibibigay ninyo sa akin, kung ibibigay ko siya sa inyo?” At kanilang ipinagtimbang siya ng tatlumpung pirasong pilak. At mula noon ay humanap siya ng pagkakataon na maipagkanulo si Jesus.