Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

MGA AWIT 44

44
Panalangin para sa Pag-iingat
Sa Punong Mang-aawit. Isang Maskil ng mga Anak ni Kora.
1Narinig ng aming mga tainga, O Diyos,
isinaysay sa amin ng aming mga ninuno,
kung anong mga gawa ang iyong ginawa nang panahon nila,
nang mga unang araw:
2sa pamamagitan ng iyong kamay itinaboy mo ang mga bansa,
ngunit itinanim mo sila;
iyong pinarusahan ang mga bayan,
at iyong ikinalat sila.
3Sapagkat hindi nila pinagwagian ang lupain sa pamamagitan ng kanilang sariling tabak,
ni ang sarili nilang kamay ay nagbigay sa kanila ng tagumpay;
kundi ng iyong kanang kamay, at ng iyong bisig,
at ng liwanag ng iyong mukha,
sapagkat ikaw ay nalulugod sa kanila.
4Ikaw ang aking Hari at aking Diyos,
na nag-utos ng kaligtasan para kay Jacob.
5Sa pamamagitan mo'y itutulak namin ang aming mga kaaway:
sa pamamagitan ng iyong pangalan ay tatapakan namin ang mga sumasalakay sa amin.
6Sapagkat hindi ako magtitiwala sa aking pana,
ni ililigtas man ako ng aking tabak.
7Ngunit iniligtas mo kami sa aming mga kaaway,
at ang mga napopoot sa amin ay inilagay mo sa kahihiyan.
8Sa pamamagitan ng Diyos ay patuloy kaming nagmamalaki,
at sa iyong pangalan magpakailanman ay magpapasalamat kami. (Selah)
9Gayunma'y itinakuwil at kasiraang-puri sa amin ay ibinigay mo,
at hindi ka lumalabas na kasama ng aming mga hukbo.
10Pinatalikod mo kami sa kaaway;
at silang mga galit sa amin ay kumuha ng samsam para sa kanilang sarili.
11Ibinigay mo kami upang kainin na parang tupa,
at ikinalat mo kami sa mga bansa.
12Ipinagbili mo ang iyong bayan sa napakaliit na halaga,
at hindi humingi ng malaking halaga para sa kanila.
13Ginawa mo kaming katatawanan ng aming mga kapwa,
ang tudyuhan at paglibak ng mga nasa palibot namin.
14Sa gitna ng mga bansa'y ginawa mo kaming kawikaan,
isang bagay na pinagtatawanan ng mga bayan.
15Buong araw ay nasa harapan ko ang aking kasiraang-puri,
at ang kahihiyan ay tumakip sa aking mukha,
16dahil sa tinig niya na nang-uuyam at nanlalait,
dahil sa paningin ng kaaway at naghihiganti.
17Lahat ng ito'y dumating sa amin;
bagaman hindi ka namin kinalimutan,
at hindi kami gumagawa ng kamalian sa iyong tipan.
18Ang aming puso ay hindi tumalikod,
ni ang amin mang mga hakbang ay humiwalay sa iyong daan;
19upang kami ay iyong durugin sa lugar ng mga asong-gubat,
at tinakpan mo kami ng anino ng kamatayan.
20Kung aming kinalimutan ang pangalan ng aming Diyos,
o iniunat ang aming mga kamay sa ibang diyos;
21hindi ba ito'y matutuklasan ng Diyos?
Sapagkat nalalaman niya ang mga lihim ng puso.
22Dahil#Ro. 8:36 sa iyo ay pinapatay kami buong araw;
at itinuturing na parang mga tupa para sa katayan.
23Ikaw ay bumangon! Bakit ka natutulog, O Panginoon?
Gumising ka! Huwag mo kaming itakuwil magpakailanman.
24Bakit mo ikinukubli ang iyong mukha?
Bakit mo kinalilimutan ang aming kalungkutan at kapighatian?
25Sapagkat ang aming kaluluwa ay nakasubsob sa alabok;
ang aming katawan ay dumidikit sa lupa.
26Ikaw ay bumangon, tulungan mo kami!
Iligtas mo kami alang-alang sa iyong tapat na pag-ibig!

Kasalukuyang Napili:

MGA AWIT 44: ABTAG01

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in