Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

MGA AWIT 86

86
Panalangin ni David.
1Ikiling mo ang iyong pandinig, O Panginoon, at ako'y sagutin mo,
sapagkat dukha at nangangailangan ako.
2Ingatan mo ang aking buhay, sapagkat ako'y banal na tao.
Ikaw na aking Diyos,
iligtas mo ang iyong lingkod na nagtitiwala sa iyo.
3O Panginoon, maawa ka sa akin,
sapagkat sa buong araw sa iyo ako'y dumaraing.
4Pasayahin mo ang kaluluwa ng lingkod mo,
sapagkat sa iyo, O Panginoon itinataas ko ang kaluluwa ko.
5Sapagkat ikaw, Panginoon, ay mabuti at mapagpatawad,
sagana sa tapat na pag-ibig sa lahat ng sa iyo ay tumatawag.
6Pakinggan mo, O Panginoon, ang aking panalangin,
pakinggan mo ang tinig ng aking daing.
7Sa araw ng aking kaguluhan ay tumatawag ako sa iyo;
sapagkat sinasagot mo ako.
8Walang gaya mo sa gitna ng mga diyos, O Panginoon;
ni mayroong anumang mga gawang gaya ng sa iyo.
9Lahat#Apoc. 15:4 ng mga bansa na iyong nilalang ay darating
at sasamba sa harapan mo, O Panginoon;
at ang iyong pangalan ay kanilang luluwalhatiin.
10Sapagkat ikaw ay dakila at gumagawa ng kahanga-hangang mga bagay,
ikaw lamang ang Diyos.
11O Panginoon, ituro mo sa akin ang iyong daan,
upang makalakad ako sa iyong katotohanan;
ilakip mo ang aking puso upang matakot sa iyong pangalan.
12Nagpapasalamat ako sa inyo ng buong puso, O Panginoon kong Diyos,
at luluwalhatiin ko ang iyong pangalan magpakailanman.
13Sapagkat dakila ang iyong tapat na pagsinta sa akin;
sa kalaliman ng Sheol ay iniligtas mo ang aking kaluluwa.
14O Diyos, ang mga taong mayabang ay nagbangon laban sa akin,
isang pangkat ng malulupit na tao ang nagtatangka sa aking buhay,
at hindi ka nila isinaalang-alang sa harapan nila.
15Ngunit ikaw, O Panginoon, ay Diyos na mahabagin at mapagbiyaya,
banayad sa pagkagalit, sa tapat na pag-ibig at katapatan ay sagana.
16Lingunin mo ako, maawa ka sa akin;
ibigay mo ang lakas mo sa iyong lingkod,
at iligtas mo ang anak ng iyong lingkod na babae.
17Pagpakitaan mo ako ng tanda para sa kabutihan,
upang makita ng mga napopoot sa akin at mapahiya,
sapagkat ikaw, Panginoon, ay tumulong at umaliw sa akin.

Kasalukuyang Napili:

MGA AWIT 86: ABTAG01

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in