Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

TITO 3

3
Ang Mabuting Pamumuhay
1Ipaalala mo sa kanila na pasakop sa mga pinuno at sa mga may kapangyarihan, maging masunurin, maging handa sa bawat mabuting gawa,
2huwag magsalita ng masama tungkol sa kanino man, huwag makipag-away, maging maamo, at magpakita ng hinahon sa lahat ng mga tao.
3Sapagkat tayo rin naman noong dati ay mga hangal, mga suwail, mga nalinlang, mga alipin ng sari-saring pagnanasa at kalayawan, na namumuhay sa kasamaan at inggit; mga kasuklamsuklam at napopoot sa isa't isa.
4Ngunit nang mahayag ang kabutihan at kagandahang-loob ng Diyos na ating Tagapagligtas,
5iniligtas niya tayo, hindi dahil sa mga gawa na ating ginawa sa katuwiran kundi ayon sa kanyang kahabagan, sa pamamagitan ng paghuhugas ng muling kapanganakan at ng pagbabago sa pamamagitan ng Espiritu Santo.
6Ang Espiritung ito na kanyang ibinuhos nang sagana sa atin sa pamamagitan ni Jesu-Cristo na ating Tagapagligtas;
7upang, yamang inaring-ganap sa pamamagitan ng kanyang biyaya, tayo'y maging mga tagapagmana ayon sa pag-asa sa buhay na walang hanggan.
8Tapat ang salita, at nais kong igiit mo ang mga bagay na ito upang ang mga nananampalataya sa Diyos ay maging maingat na ilaan ang kanilang sarili sa mabubuting gawa. Ang mga bagay na ito ay pawang mabubuti at kapaki-pakinabang sa mga tao.
9Ngunit iwasan mo ang mga pagtatalo, at ang mga pagsasalaysay ng salinlahi, at ang mga alitan at pag-aaway tungkol sa kautusan, sapagkat ang mga ito ay walang pakinabang at walang katuturan.
10Ang taong lumilikha ng pagkakabaha-bahagi, pagkatapos nang una at ikalawang pagsaway ay iwasan mo;
11yamang nalalaman mo na ang gayon ay baluktot at nagkakasala, na hinatulan niya ang kanyang sarili.
Mga Tagubilin at Basbas
12Kapag#Gw. 20:4; Ef. 6:21, 22; Co. 4:7, 8; 2 Tim. 4:12 isinugo ko sa iyo si Artemas o si Tiquico ay sikapin mong puntahan ako sa Nicopolis; sapagkat ipinasiya kong gugulin doon ang taglamig.
13Pagsikapan#Gw. 18:24; 1 Cor. 16:12 mong tulungan si Zenas na dalubhasa sa batas at si Apolos sa kanilang paglalakbay; tiyakin mong sila'y hindi kukulangin ng anuman.
14At nararapat na ang ating mga tao ay matutong magmalasakit sa mabubuting gawa para sa matitinding pangangailangan upang hindi sila mawalan ng bunga.
15Binabati ka ng lahat ng mga kasama ko. Batiin mo ang mga umiibig sa atin sa pananampalataya.
Biyaya nawa ang sumainyong lahat.#3:15 Sa ibang mga kasulatan ay mayroong Amen.

Kasalukuyang Napili:

TITO 3: ABTAG01

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in