GENESIS 18:1-8
GENESIS 18:1-8 ABTAG
At napakita ang Panginoon sa kaniya sa mga punong encina ni Mamre, habang siya'y nakaupo sa pintuan ng tolda, ng kainitan ng araw. At itiningin ang kaniyang mga mata at nagmalas, at, narito't tatlong lalake ay nakatayo sa tabi niya: at pagkakita niya sa kanila, ay tinakbo niya upang sila'y salubungin mula sa pintuan ng tolda, at yumukod siya sa lupa. At nagsabi, Panginoon ko, kung ngayo'y nakasumpong ako ng biyaya sa iyong paningin, ay ipinamamanhik ko sa iyo, na huwag mong lagpasan ang iyong lingkod. Itulot mong dalhan kayo rito ng kaunting tubig, at maghugas kayo ng inyong mga paa, at mangagpahinga kayo sa lilim ng kahoy. At magdadala ako ng isang subong tinapay at inyong palakasin ang inyong puso; at pagkatapos ay magsisipagtuloy kayo: yamang kayo'y naparito sa inyong lingkod, At nagsipagsabi, Mangyari ang ayon sa iyong sinabi. At si Abraham ay nagmadaling napasa tolda ni Sara, at sinabi, Maghanda ka agad ng tatlong takal ng mainam na harina, iyong tapayin at gawin mong mga munting tinapay. At tumakbo si Abraham sa bakahan at nagdala ng isang bata at mabuting guya, at ibinigay sa alipin; at siya'y nagmadali, upang lutuin. At siya'y kumuha ng mantekilla, at ng gatas, at ng guyang niluto niya, at inihain sa harapan nila; at siya'y tumayo sa siping nila sa lilim ng punong kahoy; at sila'y nagsikain.

