Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, Ang pumapasok sa hindi pintuan ng kulungan ng mga tupa kundi umaakyat sa ibang daan, ang gayon ay tulisan at magnanakaw.
Datapuwa't ang pumapasok sa pintuan ay siyang pastor ng mga tupa.
Binubuksan siya ng bantay-pinto; at dinirinig ng mga tupa ang kaniyang tinig: at tinatawag ang kaniyang sariling mga tupa sa pangalan, at sila'y inihahatid sa labas.
Pagka nailabas na niya ang lahat ng sariling kaniya, ay pinangungunahan niya sila, at nagsisisunod sa kaniya ang mga tupa: sapagka't nakikilala nila ang kaniyang tinig.
At sa iba'y hindi sila magsisisunod, kundi magsisitakas sa kaniya: sapagka't hindi nila nakikilala ang tinig ng mga iba.
Sinalita ni Jesus sa kanila ang talinghagang ito: datapuwa't hindi nila napagunawa kung anong mga bagay ang sa kanila'y sinasalita.
Muli ngang sinabi sa kanila ni Jesus, Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, Ako ang pintuan ng mga tupa.
Ang lahat ng nangauna sa aking nagsiparito ay mga magnanakaw at mga tulisan: datapuwa't hindi sila dininig ng mga tupa.
Ako ang pintuan; ang sinomang taong pumasok sa akin, ay siya'y maliligtas, at papasok at lalabas, at makasusumpong ng pastulan.
Hindi pumaparito ang magnanakaw, kundi upang magnakaw, at pumatay, at pumuksa: ako'y naparito upang sila'y magkaroon ng buhay, at magkaroon ng kasaganaan nito.
Ako ang mabuting pastor: ibinibigay ng mabuting pastor ang kaniyang buhay dahil sa mga tupa.
Ang nagpapaupa, at hindi ang pastor, na hindi may-ari ng mga tupa, ay nakikitang dumarating ang lobo, at pinababayaan ang mga tupa, at tumatakas, at inaagaw sila ng lobo, at pinapangangalat:
Siya'y tumatakas sapagka't siya'y upahan, at hindi ipinagmamalasakit ang mga tupa.
Ako ang mabuting pastor; at nakikilala ko ang sariling akin, at ang sariling akin ay nakikilala ako,
Gaya ng pagkakilala sa akin ng Ama, at ng sa Ama ay pagkakilala ko; at ibinibigay ko ang aking buhay dahil sa mga tupa.
At mayroon akong ibang mga tupa, na hindi sa kulungang ito: sila'y kailangan din namang dalhin ko, at kanilang diringgin ang aking tinig; at sila'y magiging isang kawan, at magkakaroon ng isang pastor.
Dahil dito'y sinisinta ako ng Ama, sapagka't ibinibigay ko ang aking buhay, upang kunin kong muli.