Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

JUAN 9:1-17

JUAN 9:1-17 ABTAG

At sa pagdaraan niya, ay nakita niya ang isang lalaking bulag mula sa kaniyang kapanganakan. At itinanong sa kaniya ng kaniyang mga alagad, na nangagsasabi, Rabi, sino ang nagkasala, ang taong ito, o ang kaniyang mga magulang, upang siya'y ipanganak na bulag? Sumagot si Jesus, Hindi dahil sa ang taong ito'y nagkasala, ni ang kaniyang mga magulang man: kundi upang mahayag sa kaniya ang mga gawa ng Dios. Kinakailangan nating gawin ang mga gawa niyaong nagsugo sa akin, samantalang araw: dumarating ang gabi, na walang taong makagagawa. Samantalang ako'y nasa sanglibutan, ako ang ilaw ng sanglibutan. Nang masabi niya ang ganito, siya'y lumura sa lupa, at pinapagputik ang lura, at pinahiran ang mga mata niya ng putik, At sinabi sa kaniya, Humayo ka, maghugas ka sa tangke ng Siloe (na kung liliwanagin ay Sinugo). Siya nga'y humayo, at naghugas, at nagbalik na nakakakita. Ang mga kapitbahay nga, at ang nangakakita sa kaniya nang una, na siya'y pulubi, ay nangagsabi, Hindi baga ito ang nauupo at nagpapalimos? Sinabi ng mga iba, Siya nga: sinabi ng mga iba, Hindi, kundi nakakamukha niya. Sinabi niya, Ako nga. Sa kaniya nga'y kanilang sinabi, Paano nga ang pagkadilat ng iyong mga mata? Sumagot siya, Ang lalaking tinatawag na Jesus ay gumawa ng putik, at pinahiran ang aking mga mata, at sinabi sa akin, Humayo ka sa Siloe, at maghugas ka: kaya't ako'y humayo at naghugas, at ako'y tumanggap ng paningin. At sinabi nila sa kaniya, Saan naroon siya? Sinabi niya, Hindi ko nalalaman. Dinala nila sa mga Fariseo siya na nang una'y bulag. Araw nga ng sabbath nang gumawa ng putik si Jesus, at padilatin ang kaniyang mga mata. Muli ngang tinanong naman siya ng mga Fariseo kung paanong tumanggap siya ng kaniyang paningin. At sinabi niya sa kanila, Nilagyan niya ng putik ang ibabaw ng aking mga mata, at naghugas ako, at ako'y nakakakita. Ang ilan nga sa mga Fariseo ay nangagsabi, Ang taong ito'y hindi galing sa Dios, sapagka't hindi nangingilin sa sabbath. Datapuwa't sinasabi ng mga iba, Paano bagang makagagawa ng gayong mga tanda ang isang taong makasalanan? At nagkaroon ng pagkakabahabahagi sa gitna nila. Muling sinabi nga nila sa bulag, Ano ang sabi mo tungkol sa kaniya, na siyang nagpadilat ng iyong mga mata? At kaniyang sinabi, Siya'y isang propeta.