Genesis 24:33-67
Genesis 24:33-67 RTPV05
Binigyan siya ng pagkain, ngunit sinabi ng alipin, “Sasabihin ko muna ang aking pakay bago ako kumain.” “Sige, sabihin ninyo,” sabi ni Laban. Ganito ang salaysay niya: “Ako po'y alipin ni Abraham. Pinagpala ni Yahweh ang aking panginoon. Pinarami ang kanyang mga kawan ng tupa, kambing at baka. Pinagkalooban rin siya ng maraming pilak at ginto, mga aliping babae at lalaki, mga kamelyo at asno. Ang asawa niyang si Sara ay nagkaanak pa kahit siya'y matanda na. Ang anak na ito ang tanging tagapagmana ng kanilang kayamanan. Ako po'y pinanumpa ng panginoon kong si Abraham na hindi ako kukuha sa Canaan ng mapapangasawa ng anak niyang ito. Dito po niya ako pinapunta sa mga kamag-anak ng kanyang mga magulang upang ihanap ng mapapangasawa ang kanyang anak. Tinanong ko po siya ng ganito: ‘Kung ang babaing mapili ko ay hindi sumama sa akin, ano po naman ang aking gagawin?’ Ang sagot po niya'y sasamahan ako ng anghel ni Yahweh upang magtagumpay sa aking lakad. Dito raw sa angkan ng kanyang ama ako kumuha ng mapapangasawa ng kanyang anak. Iyan po ang utos sa akin. Ang sabi pa niya sa akin, ‘Kung sundin mo ito, natupad mo na ang iyong tungkulin. Kung tanggihan ka naman ng aking mga kamag-anak, wala ka nang pananagutan sa akin.’ “Pagdating ko po sa may balon kanina, ako'y nanalangin nang ganito: ‘O Yahweh, Diyos ng panginoon kong si Abraham, panagumpayin mo ang aking gagawin! Tatayo po ako sa may tabi ng balong ito at kapag may dumating na dalaga upang umigib, ako'y makikiinom. Kapag ako'y pinainom pati ang aking mga kamelyo, iyon na po sana ang pinili ninyo upang mapangasawa ng anak ng aking panginoon.’ Hindi pa natatapos ang aking panalangin, dumating nga si Rebeca na pasan ang isang banga. Lumusong siya sa bukal at sumalok ng tubig. Nakiusap po ako sa kanyang ako'y painumin. At hindi lamang ako ang pinainom, pati po ang aking mga kamelyo. Tinanong ko po siya, ‘Kanino kang anak?’ Ang sagot po'y, ‘Kay Bethuel na anak ng mag-asawang Nahor at Milca.’ Kaya't kinabitan ko siya ng hikaw sa ilong at sinuotan ng mga pulseras sa braso. Pagkatapos, ako'y lumuhod at sumamba kay Yahweh, sa Diyos ng panginoon kong si Abraham, sapagkat pinatnubayan niya ako at inihatid sa tahanang ito. At dito ko nga natagpuan ang dalagang dapat mapangasawa ng kanyang anak. Kaya hinihiling kong sabihin ninyo sa akin kung sang-ayon kayo sa hangad ng aking panginoon. Kung hindi naman, sabihin din ninyo at nang malaman ko naman kung ano ang aking gagawin.” Sumagot ang mag-amang Bethuel at Laban, “Dahil ang bagay na ito'y mula kay Yahweh, wala na kaming masasabing anuman. Isama mo si Rebeca pag-uwi mo upang mapangasawa ng anak ng iyong panginoon, ayon sa sinabi ni Yahweh.” Pagkarinig nito, ang alipin ni Abraham ay muling nagpatirapa at nagpuri kay Yahweh. At inilabas niya ang mga damit at mga hiyas na ginto't pilak para kay Rebeca. Binigyan din niya ng mamahaling regalo ang kapatid nitong si Laban at ang kanilang ina. Pagkatapos, ang alipin at ang mga kasama nito ay kumain na at uminom, at doon na nga nagpalipas ng gabi. Kinabukasa'y nagpaalam na siya. Ngunit hiniling ng ina at ng kapatid ni Rebeca na magpalipas muna ng isang linggo o sampung araw bago umalis. Ngunit sinabi ng alipin, “Sapagkat pinagtagumpay ako ni Yahweh sa aking lakad, pahintulutan na po ninyo akong magbalik sa aking panginoon.” “Kung gayon,” sabi nila, “tawagin natin si Rebeca at tanungin kung ano ang kanyang pasya.” “Sasama ka na ba sa taong ito?” tanong nila. “Opo,” tugon niya. Kaya si Rebeca at ang kanyang yaya ay pinahintulutan nilang sumama sa alipin ni Abraham at sa mga kasama nito, matapos basbasan nang ganito: “Ikaw nawa, O Rebeca ay maging ina ng marami, at sa lunsod ng kaaway, ang iyong lahi ang magwagi.” Nang handa na ang lahat, si Rebeca at ang mga utusan niyang babae ay sumakay sa kamelyo, at umalis kasunod ng alipin ni Abraham. Nang panahong iyon, si Isaac ay naninirahan sa lupain ng Negeb. Minsan, napadako siya sa ilang ng Beer-lahai-roi. Nang magtatakip-silim, siya'y namasyal sa kaparangan at nakita niyang may dumarating na mga kamelyo. Natanaw ni Rebeca si Isaac kaya't bumabâ siya sa sinasakyang kamelyo, lumapit sa aliping sumundo sa kanya at nagtanong, “Sino ang lalaking iyan na papalapit sa atin?” “Siya po ang aking panginoon,” sagot nito. Kumuha ng belo si Rebeca at tinakpan ang kanyang mukha. Isinalaysay ng alipin kay Isaac ang mga ginawa niya. Pagkatapos, dinala ni Isaac si Rebeca sa tolda ni Sara na kanyang ina at ito'y naging asawa niya. Minahal ni Isaac si Rebeca at siyang naging kaaliwan niya sa pagkamatay ng kanyang ina.

