Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Job 30

30
Idinaing ni Job ang Kanyang Kalagayan
1“Ngayon ako'y kinukutya na ng mga kabataan,
na mga anak ng mga taong di ko pinayagan
na sumama sa mga asong nagbantay sa aking kawan.
2Mga bisig nila ay hindi ko inasahan,
walang gawaing kanilang nakayanan.
3Sa gitna ng gutom at kasalatan,
kanilang kinakain mga tuyong ugat sa ilang.
4Nangunguha sila ng usbong ng halaman sa dawagan,
at ugat ng mga tambo ang panlaman nila sa tiyan.
5Ang mga taong ito'y itinakwil ng lipunan,
at ang turing sa kanila'y mistulang mga tulisan.
6Mga kuweba't mga kanal ang kanilang tinitirhan,
ang iba nama'y sa lungga, at ang iba'y sa batuhan.
7Ungol nila'y naririnig mula roon sa dawagan,
sila'y nagyayakap-yakap sa gitna ng katinikan.
8Sila'y parang mga yagit na walang kabuluhan
pagkat mula sa lupain, sila'y ipinagtatabuyan.
9“Ngayo'y ako naman ang kanilang pinagtatawanan,
siyang laging binibiro at pinag-uusapan.
10Kinukutya nila ako at kanilang iniiwasan,
at di nag-aatubiling ako'y kanilang duraan.
11Pagkat inalis ng Diyos ang lakas ko at kakayahan,
kaya naman ako'y kanilang nilalapastangan.
12Sinalakay nila ako nang walang pakundangan,
hinahabol nila ako upang tapusin nang tuluyan.
13Pilit akong sinusukol upang ako'y pahirapan,
sa ginagawa nila'y wala man lang humadlang.
14Isang pader na may bitak ang katulad ng aking buhay,
sinalakay nila ako at tinapak-tapakan.
15Ang buo kong pagkatao ay nilukuban ng takot,
dangal ko'y naglaho parang bulang pumutok,
at ang aking kasaganaan, parang ulap na sumabog.
16‘Halos mapatid na ang aking hininga,
hindi na maibsan ang hirap kong dala.
17Sa buong magdamag, mga buto ko ay masakit,
ginhawa'y di madama kahit isang saglit.
18Hinablot ng Diyos ang aking kasuotan,
at ako'y kaawa-awang kanyang kinwelyuhan.
19Pagkatapos noon, ako'y kanyang inihagis
lumubog sa putik, parang isang yagit.
20“Di mo pinakinggan, O Diyos, ang aking pagdaing,
aking panalangin, hindi mo man lang pinansin.
21Bakit ako'y iyong pinagmamalupitan,
at pinag-uusig ng iyong buong kapangyarihan?
22Bakit hinayaang ang buhay kong angkin,
bayuhin ng bagyo at malalakas na hangin?
23Alam kong dadalhin mo ako sa kamatayan,
na huling hantungan ng bawat nilalang.
24Taong bumagsak, bakit mo pa pinahihirapan,
wala naman siyang magagawa kundi magmakaawa lamang?
25Di ba ako ay dumamay sa mga nangangailangan,
at nagmalasakit din sa mahirap ang kabuhayan?
26Tuwa at liwanag ang aking inaasahan;
subalit ang dumating ay hirap at kadiliman.
27Kahirapan at sakit ang kayakap ko sa buhay,
at siyang nakakasama sa bawat araw.
28Ang landas ko ay madilim at walang kapanatagan;
ako'y nagmamakaawa sa lahat kong kababayan.
29Ang tinig ko'y walang sigla at namamalat,
parang boses ng uwak at ng asong gubat.
30Ang balat ko'y nangingitim at natutuklap, sagad hanggang buto itong aking lagnat.
31Ang dati kong naririnig ay masasayang tugtugan,
ngayo'y tunog ng pagluluksa at pag-iiyakan.

Kasalukuyang Napili:

Job 30: RTPV05

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in