Job 31
31
Iginiit ni Job ang Kanyang Katapatan
1“Ako'y taimtim na nangako sa aking sarili,
na di titingin nang may pagnanasa sa ibang babae.
2Anong ginagawa ng Makapangyarihang Diyos sa atin?
Anong gantimpala niya sa ating gawain?
3Ibinibigay niya'y kapahamakan at pagkasira,
sa mga taong gumagawa ng mali at masama.
4Lahat ng ginagawa ko'y kanyang nalalaman,
kitang-kita niya ang aking bawat hakbang.
5“Pagsisinungaling ay hindi ko ginawa,
kahit isang tao'y wala akong dinaya.
6Timbangin sana ako ng Diyos sa maayos na timbangan,
at makikita niya itong aking katapatan.
7Kung ako'y lumihis sa landas ng katuwiran,
o kaya'y naakit gumawa ng kalikuan,
kahit na bahagya'y natukso ng kasamaan,
8masira nawa ang aking pananim,
at ang mga halaman ko'y iba na ang kumain.
9“Kung ako ay naakit sa asawa ng iba,
sa pintuan ng kanyang bahay ay inabangan ko siya,
10di bale nang asawa ko'y sa iba magsilbi,
at siya'y sipingan ng ibang lalaki.
11Ang pakikiapid ay karumal-dumal na kasalanan, kasamaang nararapat sa hatol na kamatayan.
12Pagkat iyon ay apoy na di mamamatay,
at iyon ang tutupok sa aking buong kabuhayan.
13“Kung sana'y may inapi ako sa aking mga utusan,
at dahil doo'y nagharap sila ng karaingan.
14Di ako kikibo ako ma'y parusahan,
siyasatin man ako'y walang ibibigay na kasagutan.
15Pagkat ang Diyos na sa akin ay lumalang,
siya ring lumikha sa aking mga utusan.
16“Di#Tb. 4:7-11, 16. ako nagkait ng tulong kailanman,
sa mga biyuda at nangangailangan.
17Di ko pinabayaan ang mga ulila, kapag ako'y kumain, kumakain din sila.
18Sa buong buhay ko sila'y aking tinulungan,
inalagaan, mula pa sa aking kabataan.
19“Ang makita kong walang damit
pagkat walang maibili,
20binibigyan ko ng makapal na damit,
kaya't pasasalamat niya'y walang patid.
21“Kung ang mga ulila'y aking inapi,
pagkat alam kong sa hukuma'y ako ang magwawagi,
22mabuti pang mga bisig ko ay baliin,
at sa aking balikat ito ay tanggalin.
23Sapagkat sa parusa ng Diyos ako'y natatakot,
hindi ko kayang gawin ang gayong gawaing baluktot.
24“Kung#Ecc. 31:5-10. ako ay umasa sa aking kayamanan,
at gintong dalisay ang pinanaligan;
25kung dahil sa tinatangkilik, ako ay nagyabang,
o nagpalalo dahil sa aking kayamanan;
26kung ang araw at ang buwan ay aking sinamba;
27kung ako'y natangay kahit na lihim lamang,
o nagpugay kaya sa sarili kong kamay;
28ako nga'y nagkasala at dapat hatulan,
pagkat itinakwil ko ang Diyos na Makapangyarihan.
29“Pagdurusa ng kaaway, hindi ko ikinatuwa,
ni sa kanilang kapahamakan ako ay nagsaya;
30kahit minsa'y di ko idinalangin na sila'y mamatay.
31Mapapatunayan ng aking mga kasamahan,
mabuti ang pagtanggap ko sa mga dayuhan.
32Pinatutuloy ko sila sa aking tahanan,
at di sila hinayaang matulog sa lansangan.
33Kung itinago ko ang aking kasalanan,
at kamalian ko ay aking pinagtakpan;
34at kung dahil sa takot sa iba at sa kanilang pagkutya,
ako ay nanahimik at di na nagpakita.
35“Mayroon sanang nakikinig sa mga sinasabi ko,
isinusumpa kong lahat ito'y pawang totoo.
Sagutin sana ako ng Diyos na Makapangyarihan,
kung isusulat ng kaaway ang kanyang mga paratang.
36Ito'y aking ikukwintas
at isusuot na parang korona.
37Sasabihin ko sa Diyos ang lahat ng aking ginawa,
sa paglapit sa kanya'y wala akong dapat ikahiya.
38“Kung ang lupa kong binubungkal ay inagaw sa iba,
sa pagtutol ng may-ari'y sapilitan kong kinuha.
39O kung sa ani nito ako'y nagpasasa,
samantalang nagugutom ang dito'y nagsaka.
40Kung gayon ay bayaang damo't tinik ang tumubo,
sa halip na sebada o trigo ang doo'y lumago.”
Dito nagwawakas ang pagsasalita ni Job.
Kasalukuyang Napili:
Job 31: RTPV05
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
© 2005 Philippine Bible Society