Job 36
36
Ipinahayag ni Elihu ang Kadakilaan ng Diyos
1Idinagdag pa ni Elihu,
2“Magtiyaga ka pa nang kaunti at makinig sa akin,
pagkat ayon sa Diyos itong aking sasabihin.
3Ibubuhos kong lahat ang aking nalalaman
upang patunayang ang aking Diyos ay makatarungan.
4Lahat ng sasabihin ko ay pawang katotohanan,
pagkat akong kausap mo'y malawak ang kaalaman.
5“Ang Diyos ay dakila at di nagtatakwil ng sinuman,
siya ay dakila sa taglay niyang kaalaman.
6Hindi niya pinatatagal ang buhay ng mga makasalanan,
ang mga mahihirap ay binibigyan niya ng katarungan.
7Ang matuwid ay kanyang iniingatan,
ginagawang parang hari,
at binibigyang-karangalan sa lahat ng sandali.
8Kung ang tao'y nagagapos o natatanikalaan
o kaya'y nagdurusa sa nagawang kasalanan,
9ipinamumukha ng Diyos ang kanilang kasamaan,
at ang naghaharing hambog na isipan.
10Sila'y kanyang sinasaway at binabalaan
na tumalikod sa kanilang kasamaan.
11Kung sila ay makinig at sa Diyos ay maglingkod,
buhay na sagana at payapa, sa kanila'y idudulot.
12Ngunit kapag sila'y di nakinig at pinairal ang kamangmangan,
tiyak na kamatayan ang kanilang hahantungan.
13“Poot ang naghahari sa dibdib ng masama,
parusahan man ng Diyos, ayaw pa ring magmakaawa.
14Sa kanilang kabataan sila ay namamatay,
nagwakas sa kahihiyan ang kanilang mga buhay.
15Ang tao'y pinaghihirap ng Diyos upang bigyang-aral,
at kanyang pinagdurusa upang mabuksan ang kanilang pananaw.
16“Inalis ka ng Diyos sa kaguluhan,
pinagtamasa ka niya ng kapayapaan,
at pinuno ng pagkain ang iyong tahanan.
17Ngunit ngayon, ikaw ay pinaparusahan bilang katumbas ng iyong kasamaan.
18Huwag mong pabayaang suhulan ka ng sinuman,
mag-ingat upang di mailigaw ng mga kayamanan.
19Dumaing ka man nang dumaing ay wala nang mangyayari,
ang taglay mong lakas ngayon ay wala na ring silbi.
20Huwag mong naising ang gabi'y dumating na,
ang oras na ang mga bansa ay mawawala na.
21Huwag mong isipin ang magpakasama,
ito ang dahilan kaya ika'y nagdurusa.
22“Alalahanin mong ang Diyos ay makapangyarihan,
pinakadakilang guro sa lahat ng bagay.
23Walang makakapagsabi sa Diyos ng dapat niyang gampanan,
at walang kasamaang maaaring ibintang.
24Lahat ay nagpupuri sa kanya dahil sa kanyang ginagawa,
kaya ikaw man ay magpuri rin at sa kanya'y dumakila.
25Ang mga gawa niya, lahat ay namasdan,
ngunit hindi ito lubos na maunawaan.
26Di masusukat ng tao ang kanyang kadakilaan,
at ang kanyang mga taon ay hindi rin mabibilang.
27“Ang tubig sa lupa'y itinataas ng Diyos,
upang gawing ulan at sa daigdig ay ibuhos.
28Ang mga ulap ay ginagawa niyang ulan,
at masaganang ibinubuhos sa sangkatauhan.
29Sa galaw ng mga ulap ay walang nakakaalam,
at kung paano kumukulog sa kalangitan.
30Pinagliliwanag niya ang kalawakan sa pagguhit ng kidlat,
ngunit nananatiling madilim ang kailaliman ng dagat.
31Pinapamahalaan niya ang tao sa ganitong paraan,
at masaganang pagkain, tayo'y hindi pinagkaitan.
32Ang kidlat ay kanyang hinahawakan,
at pinababagsak sa nais niyang matamaan.
33Ipinapahayag ng kidlat ang kanyang kalooban,
at ang kanyang galit laban sa kasamaan.
Kasalukuyang Napili:
Job 36: RTPV05
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
© 2005 Philippine Bible Society