Logo ng Bible App
Hanapin ang Icon

Josue 10:15-43

Josue 10:15-43 RTPV05

Pagkatapos nito, si Josue at ang mga tauhan niya ay bumalik sa Gilgal. Nakatakas ang limang hari at nagtago sa yungib ng Makeda. Ngunit may nakaalam na doon sila nagtago, at ito'y ipinasabi kay Josue. Kaya't iniutos ni Josue, “Takpan ninyo ng malalaking bato ang bunganga ng yungib at inyong pabantayan iyon. Ngunit huwag kayong titigil doon. Habulin ninyo ang kaaway, unahan sila at harangin upang huwag makapasok sa kani-kanilang lunsod. Inilagay na sila ni Yahweh sa inyong kapangyarihan.” At sila nga'y pinuksa ni Josue at ng kanyang mga kawal kahit may ilang nakatakbo at nakapasok sa mga napapaderang lunsod. At bumalik na sa kampo sa Makeda ang lahat ng mga kawal ni Josue. Buhat noon, wala nang nangahas magsalita laban sa mga Israelita. Iniutos ni Josue sa kanyang mga tauhan, “Alisin ninyo ang nakatakip na bato sa bunganga ng yungib, ilabas ninyo ang limang haring iyon at iharap sa akin.” Ganoon nga ang ginawa nila. Inilabas sa yungib ang mga hari ng Jerusalem, ng Hebron, ng Jarmut, ng Laquis at ng Eglon. Nang nasa harapan na ni Josue ang limang hari, tinipon niya ang kanyang mga mandirigma at iniutos sa mga pinuno, “Halikayo! Tapakan ninyo sa leeg ang mga haring ito.” At ganoon nga ang ginawa nila. Pagkatapos, sinabi niya sa kanila, “Huwag kayong matatakot o panghihinaan ng loob. Ganito ang gagawin ni Yahweh sa lahat ng inyong mga kaaway.” Ang limang hari ay ipinapatay ni Josue at maghapong ibinitin sa limang punongkahoy. Nang palubog na ang araw, iniutos ni Josue na ibaba sila sa pagkakabitin at ipinatapon sa yungib na pinagtaguan nila. Ang bunganga ng yungib ay pinatakpan ng malalaking bato na naroroon pa magpahanggang ngayon. Nang araw ding iyon, nasakop ni Josue ang Makeda at pinatay ang hari roon. Nilipol din niya ang buong bayan at wala siyang itinirang buháy isa man. Ginawa niya sa hari ng Makeda ang ginawa niya sa hari ng Jerico. Buhat sa Makeda, sinalakay naman ni Josue at ng mga Israelita ang Libna. Ibinigay rin ni Yahweh sa kanilang kapangyarihan ang hari at ang lahat ng mamamayan doon. Pinatay nilang lahat ang mga tagaroon, at walang itinira isa man. Ginawa ni Josue sa hari ng Libna ang ginawa niya sa hari ng Jerico. Pagkatapos nito, kinubkob naman at sinalakay ni Josue at ng mga Israelita ang Laquis. Sa ikalawang araw ng labanan, muli silang pinagtagumpay ni Yahweh. Nilipol din nila ang lahat ng tagaroon tulad ng ginawa nila sa Libna. Si Horam, na hari ng Gezer, ay sumaklolo sa mga taga-Laquis. Ngunit tinalo rin sila ni Josue at walang itinirang buháy sa kanyang mga tauhan. Buhat sa Laquis, kinubkob at sinalakay ni Josue at ng mga Israelita ang Eglon. Sa araw ring iyon, nasakop nila ang Eglon at pinatay ang lahat ng tagaroon, tulad ng ginawa nila sa Laquis. Pagkatapos nito, si Josue at ang buong hukbo ng Israel ay umakyat sa mga bulubundukin at sinalakay nila ang Hebron. Nasakop nila ang lunsod at pinatay ang lahat ng tagaroon, buhat sa hari hanggang sa kahuli-hulihang mamamayan. Gayundin ang ginawa nila sa mga karatig-bayan ng Hebron. Sinunog nila ang lunsod at walang iniwang buháy, gaya nang ginawa nila sa Eglon. Hinarap naman ni Josue at ng buong hukbo ng Israel ang Debir. Sinakop nila ang lunsod at ang mga karatig-bayan nito. Pinatay nila ang hari at nilipol ang lahat ng mamamayan. Ginawa rin nila sa Debir ang ginawa nila sa Hebron, sa Libna, at sa kanilang mga hari. Sinakop nga ni Josue ang buong lupain: ang kaburulan sa silangan, ang mga nasa paanan ng mga bundok sa kanluran, pati ang mga lupain sa katimugan. Natalo nila ang mga hari sa mga lugar na ito at nilipol ang lahat ng naninirahan doon, at walang itinirang buháy ayon sa ipinag-utos ni Yahweh, ang Diyos ng Israel. Sinakop ni Josue ang lahat ng lupain buhat sa Kades-barnea hanggang sa Gaza, pati ang nasasakupan ng Goshen hanggang sa Gibeon sa dakong hilaga. Sinakop niya ang lahat ng mga lupain at mga kahariang ito sa loob lamang ng isang tuluy-tuloy na pananalakay sapagkat si Yahweh, ang Diyos ng Israel, ay kasama ng mga Israelita sa kanilang pakikipaglaban. Pagkatapos, bumalik si Josue at ang buong hukbo ng Israel sa kampo ng Gilgal.