Josue 22
22
Ang Altar sa Tabi ng Jordan
1Pagkatapos, tinipon ni Josue ang mga mandirigma ng lipi ni Ruben, ni Gad at kalahati ng lipi ni Manases. 2Sinabi#Bil. 32:20-32; Jos. 1:12-15. niya, “Tinupad ninyo ang lahat ng tagubilin sa inyo ni Moises na lingkod ni Yahweh, at sinunod ninyo ang bawat utos ko. 3Hanggang sa panahong ito'y hindi ninyo pinabayaan ang mga kapatid ninyong Israelita. Tinupad ninyong mabuti ang lahat ng ipinag-utos ni Yahweh na inyong Diyos. 4At ngayon, naibigay na ni Yahweh na inyong Diyos sa inyong mga kapatid ang kapayapaang ipinangako niya. Kaya umuwi na kayo sa inyong mga tahanan sa kabila ng Jordan, sa lupaing ibinigay sa inyo ni Moises na lingkod ni Yahweh. 5Huwag lamang ninyong kakalimutang sundin ang mga tagubilin at kautusang ibinigay ni Moises sa inyo, “Ibigin ninyo si Yahweh na inyong Diyos. Sundin ninyo ang kanyang kalooban at tuparin ang kanyang mga utos. Maging tapat kayo sa kanya at paglingkuran ninyo siya nang buong puso't kaluluwa.” 6Binasbasan sila ni Josue, at umuwi na sila.
7Ang kalahati ng lipi ni Manases ay binigyan ni Moises ng lupain sa Bashan; ang kalahati ay binigyan ni Josue ng lupa sa kanluran ng Jordan, katabi ng iba pang lipi ng Israel. Nang sila'y pauwi na, binasbasan sila ni Josue 8at sinabi sa kanila, “Mayayaman kayong babalik sa inyo—maraming baka, ginto, pilak, tanso, bakal at mga damit. Bahaginan ninyo ng mga nasamsam ninyo sa mga kaaway ang inyong mga kapatid.” 9Umuwi na nga ang mga mandirigma ng lipi ni Ruben, ni Gad at kalahati ng lipi ni Manases. Iniwan nila sa Canaan ang ibang mga Israelita at bumalik sila sa Gilead, sa lupaing naging bahagi nila ayon sa iniutos ni Yahweh sa pamamagitan ni Moises.
10Pagdating nila ng Jordan na nasa panig ng Canaan, nagtayo sila ng isang mataas at malaking altar sa tabi ng ilog. 11Nalaman ito ng ibang mga Israelita at ganito ang kumalat na usap-usapan, “Alam ninyo, nagtayo ang mga lipi ni Ruben, ni Gad at ng kalahati ng lipi ni Manases ng isang altar sa hangganan ng Canaan bago tumawid ng Jordan.” 12Pagkarinig nito'y nagtipun-tipon sila sa Shilo at humandang digmain ang nasabing mga lipi.
13Sinugo ng bayang Israel si Finehas na anak ng paring si Eleazar, upang kausapin ang mga lipi ni Ruben, ni Gad at kalahati ng lipi ni Manases. 14May kasama siyang sampung pinuno ng mga angkang buhat sa bawat lipi ni Israel. Bawat isa sa kanila ay pinuno ng mga angkan sa kani-kanilang mga lipi. 15Pagdating sa Gilead, sinabi nila sa mga lipi ni Ruben, ni Gad at kalahati ng lipi ni Manases, 16“Ito#Deut. 12:13-14. ang ipinapasabi sa inyo ng buong sambayanan ni Yahweh: ‘Bakit ninyo ginawa ang ganitong pagtataksil sa Diyos ng Israel? Naghihimagsik kayo laban kay Yahweh sa pagtatayo ninyo ng sariling altar. Siya'y tinalikuran ninyo. 17Nalimutan#Bil. 25:1-9. na ba ninyo ang kasalanan natin sa Peor? Hanggang ngayon nga'y nagtitiis pa tayo sa parusang salot na iginawad ni Yahweh sa atin! Hindi pa ba sapat iyon, 18at ngayo'y nangahas pa kayong talikuran siya? Kapag naghimagsik kayo kay Yahweh ngayon, bukas din ay magagalit siya sa buong Israel. 19Kaya, kung ang inyong lupain ay hindi angkop sa pagsamba sa kanya, tumawid kayo sa gawi namin, sa kinaroroonan ng kanyang tabernakulo. Doon na kayo manirahan, huwag lamang kayong magtayo ng ibang altar maliban sa altar ni Yahweh na ating Diyos, sapagkat iyan ay paghihimagsik laban sa kanya at sa amin. 20Nakalimutan#Jos. 7:1-26. na ba ninyo si Acan na anak ni Zera? Nang sumuway siya sa utos tungkol sa mga bagay na dapat sunugin, kasama niyang naparusahan ang buong Israel! Hindi lamang siya ang namatay dahil sa kanyang kasalanan.”
21Sumagot ang mga lipi ni Ruben, ni Gad at kalahati ng lipi ni Manases sa mga pinuno ng mga angkan ng Israel, 22“Si Yahweh ay Diyos ng mga diyos! Si Yahweh ang Makapangyarihan sa lahat. Siya lamang ang Diyos! Alam niya kung bakit ginawa namin ito, at dapat din ninyong malaman! Kung kami'y sumuway at kung kami'y nagtaksil kay Yahweh, huwag na niya kaming hayaang mabuhay sa araw na ito. 23Kung nagtayo kami ng sariling altar upang suwayin si Yahweh, kung nag-alay kami ng handog na susunugin, o handog na pagkaing butil, o handog na pinagsasaluhan, parusahan nawa kami ni Yahweh!
24“Ginawa namin ito sa takot na baka dumating ang araw na sabihin ng inyong mga anak sa aming mga anak, ‘Ano ang kinalaman ninyo kay Yahweh, ang Diyos ng Israel? 25Siya na rin ang nagtakda na ang Ilog Jordan ay maging hangganang maghihiwalay sa atin. Kayong mga lipi ni Ruben at ni Gad ay walang bahagi kay Yahweh na Diyos ng Israel.’ Kapag nangyari iyon, ang aming mga anak ay maaaring hadlangan ng inyong mga anak sa pagsamba kay Yahweh. 26Ang totoo, itinayo namin ang altar na ito, hindi upang pagsunugan o pag-alayan ng mga handog. 27Itinayo namin ito upang maging bantayog para sa amin, para sa inyo, at para sa ating mga salinlahi—upang maging katibayan na talagang sinasamba natin si Yahweh sa pamamagitan ng mga handog na susunugin, mga alay at handog na pinagsasaluhan. Sa ganoon, hindi masasabi ng inyong mga anak sa aming mga anak, ‘Wala kayong pakialam kay Yahweh.’ 28At kung sakaling mangyari ito, masasabi ng aming mga anak, ‘Tingnan ninyo! Nagtayo ang aming mga ninuno ng isang altar na katulad ng altar ni Yahweh, hindi upang pagsunugan o pag-alayan ng mga handog, kundi upang maging saksi para sa amin at para sa inyo.’ 29Kailanma'y hindi namin inisip sumuway kay Yahweh o tumalikod sa kanya. Hindi kami nagtayo ng iba pang altar na pagsusunugan ng handog, o pag-aalayan ng handog na pagkaing butil, o handog na pinagsasaluhan, bukod sa altar ni Yahweh—sa altar na nasa harap ng kanyang tabernakulo.”
30Narinig ni Finehas at ng mga pinuno ng mga angkan ng Israel na kasama niya, ang sinabi ng mga lipi nina Ruben, Gad at Manases, at nasiyahan sila. 31Kaya, sinabi sa kanila ni Finehas, ang anak ng paring si Eleazar, “Alam na namin ngayon na kasama natin si Yahweh sa araw na ito. Hindi kayo nagtaksil kay Yahweh, kaya iniligtas ninyo ang Israel sa parusa ni Yahweh.”
32Iniwan ni Finehas at ng mga pinuno ng mga angkan ang mga lipi ni Ruben at ni Gad sa lupain ng Gilead. Nagbalik na sila sa Canaan at iniulat sa Israel ang buong pangyayari. 33Natuwa ang mga Israelita at nagpuri sa Diyos. Hindi na nila muling nabanggit ang balak nilang paglusob at pagwasak sa lupain nina Gad at Ruben.
34Ang altar na iyon ay tinawag na “Saksi” sapagkat sabi ng mga lipi nina Gad at Ruben, “Saksi ito para sa ating lahat na si Yahweh ay siyang Diyos.”
Kasalukuyang Napili:
Josue 22: RTPV05
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
© 2005 Philippine Bible Society